BUKOD sa hustisya, personal na nananawagan sa pamahalaan ang pamilya ni Police Liutenant Reynaldo Samson, biktima ng nangyaring ambush sa Barangay Parang, Ampatuan, Maguindanao habang magsisilbi sana ito ng warrant sa nasabing lugar.
Sa panayam kay Ginang Francia Samson, masakit para sa kanya ang nangyari sa kanyang anak bilang bread winner ng pamilya at ito pa ang kinahinatnan sa buhay.
“Talagang nararamdaman na po ng anak ko ‘yun na marami na sa kanyang death threat. Breadwinner mo mahal na mahal mo ganun lang ang nangyari. Pero tanggap na niya po. Sabi niya ‘mama ‘yun ngang natutulog namamatay, ako pa kaya na pulis ako. Pag umalis ako ng opisina ‘yung isang paa ko nasa hukay na. Anytime na kunin ako ni Lord nakahanda na ako, huwag kang mag-alala mama’ alam na niya ang mangyayari sa kanya,” pahayag ni Samson.
Bagamat batid na nito ang kapalaran ng kanyang anak sa ilalim ng police service, bayani ang turing niya sa kanyang anak, sa kasamaang palad, hindi na nito makakapiling ng buhay.
“Bayani nga po ang anak mo kung patay naman. Masakit po ‘yun. Aanhin mong bayaning patay gusto ko ‘yung buhay na bayani. Actually, bayani ‘yung anak ko kasi andami niyang tinutulungan eh, daming umaasa sa kanya, talagang bayaning-bayani siya. Buhay pa siya, bayani na siya, ang problema namatay. Dahil lang diyan sa one time big time ba ‘yun? Na-one time siya,” ani Samson.
Kaugnay nito, hindi na nagdalawang isip pa ang ina ni Samson na humingi ng tulong sa pamahalaan na itigil at tuluyan nang wakasan ang problema ng insurhensiya at terorismo sa Mindanao upang wala na aniyang mawakasan na buhay dulot ng karahasan sa rehiyon.
“Pakitulungan niyo naman po kami sana po matapos na ang karahasan sa Mindanao. Sa totoo lang po gustong-gusto kong bumalik na ‘yung anak ko ang problema ayaw niya pa. Sabi niya ‘mama nadudurog ang puso ko, isa sa pinakamahirap na bayan ang Parang, Maguindanao. Awang-awa ako doon sa mga residente, mga bata mga malnourished mama.’ Porke’t binata siya, wala siyang asawa, dini-dedicate niya ‘yung mga na-income niya sa mga talagang walang-wala. Pinakiusapan po siya ng mayor na ‘kung pwede Rey i-extend mo na ‘yung ano parang awa mo na’. Syempre napamahal na rin siya sa mga residente doon, pumayag. ‘Yun po ‘yung kwento noon,” ayon kay Samson.
Sa kabilang banda, pabor ang militar sa pagtatapos ng terorismo at insurhensiya sa bansa sa pamamagitan ng mapayapang paraan sa ilalim ng localized peace talks.
“Ang localized peace talks talaga ang very effective. Why? Because unang-una ang localized peace talks is used to be ‘yung mga dynamics ng bawat lugar. ‘Pag sa localized peace talks ‘yung mga na-engage ng mga LGUs and it’s counter parts like ‘yung sa other local government agencies. Nako-customized po ‘yung mga …kung ano ‘yung mga reasons bakit itong mga kababayan natin dito sa partikular na area ay nag-NPA or sumama sa partido o sumama sa hukbo. Na-address kaagad ‘yung concerns nila. Nakikita nila na sinsero ‘yung government kasi na-address ng local government and talagang tagos hanggang boto ‘yung mga efforts ng government natin at saka ramdam ng ating mga kababayan na involve o affected nitong insurgency,” pahayag ni LtC. Anthony Bacus, Commanding Officer, 8IB, 4ID.
Nauna nang nanindigan ang militar na hindi nagkukulang ang pamahalaan sa laban nito sa insurhensiya at pagkakamit ng kapayapaan sa bansa.
Resulta rin aniya dito ang sunod-sunod na pagsuko ng mga dating miyembro ng makakaliwang kilusan sa poder ng pamahalaan.
“And from the data alam natin na since nag-start ‘yung National Task Force to End the Local Armed Conflict in 2018, thousands of surrenderees already ang nakikita natin and tuluy-tuloy pa ito hanggang sa ngayon. So, again localized peace talks pa rin ang very effective,” ayon kay Bacus.
Sa huli, nagpaalala ang pamahalaan na bukas ang kanilang pintuan at bukas-palad na tanggapin ang pagbabago na inaasahan sa mga ito mula sa impluwensiya ng komunistang terorista ng kilusan na CPP-NPA-NDF.