INTERESADO ang mga investor at mga naglalakihang negosyante sa World Economic Forum (WEF) sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF).
Nakikita raw nila ang nasabing pondo na malaking tulong sa mabilis na pag-unlad ng Pilipinas.
Ibinida rin ng Pangulo sa country strategy dialogue ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Matapos dumalo si Pangulong Marcos sa pagbubukas ng WEF sa Davos Congress Centre, umarangkada na ang misyon ng Pangulo – ang ibida ang economic performance ng Pilipinas sa layong makahatak ng mga mamumuhunan sa bansa.
Martes ng hapon nang maganap ang country strategy dialogue ng Philippine delegation.
Sa opening speech ng Pangulo, isa sa kaniyang ibinida ang panukalang Sovereign Wealth Fund.
Isang hakbang aniya ito ng administrasyon para madiversify ang financial portfolio ng bansa.
“The process of establishing our first-ever Sovereign Wealth Fund is underway. Such a fund is one tool among many in our efforts to diversify our financial portfolio, which includes our existing institutions pursuing investment that will generate stable returns, but also welfare effects spanning employment creation, improvement of public service, and a decrease in costs of economic activities,” ayon kay Pangulong Marcos.
Para kay Finance Secretary Benjamin Diokno, ang pagkakaroon ng Sovereign Wealth Fund ay napaka-ordinaryo na sa mga ibang bansa kung saan kinukuha nila ang kanilang long-term investment.
Dagdag ni Diokno na malaking tulong ang Sovereign Wealth Fund para pondohan ang mga proyekto ng Pilipinas.
“Kasi marami tayong proyekto na nangangailangan ng funding, infrastructure projects, pinanghihiram pa natin ng pera ‘yun eh from Japan, China, sa World Bank, ADB. Eh ngayon, kung mayroon tayong ganung fund pwede natin gamitin ‘yun para mapondohan ‘yun,” saad ni Secretary Benjamin Diokno, Department of Finance.
Inilahad naman ni Senator Mark Villar na maraming mga investor at mga negosyante ang interesado sa panukalang Sovereign Wealth Fund ng Pilipinas.
Ayon kay Villar, nakikita nila ito bilang isang pondo na magagamit ng pamahalaan para lalong bumilis ang pag-unlad ng Pilipinas.
Paliwanag pa ng senador, na ang kita mula sa nasabing pondo ay nakalaan para sa social projects na makatutulong sa mga mahihirap.
“Asahan niyo po na lalong dadami po ang investments sa ating bansa. Walang tigil po ang pagtatrabaho ni President Bongbong Marcos dito sa Davos at sunod-sunod po ‘yung mga meetings niya para magkaroon po ng additional investment sa ating bansa. At pag nagkaroon po ng additional investment, siyempre po dadami po ang opportunities sa ating bansa, dadami po ‘yung job opportunities sa ating bansa at lalong aasenso ang ating ekonomiya,” ani Senator Mark Villar.
GDP growth ng bansa sa 2023, lalago sa 7.0% – PBBM
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na bagama’t babagal sa 2.7 percent ang 2023 global economic growth na batay sa projection ng International Monetary Fund, sinabi nito na lalago ang ekonomiya ng bansa sa 7.0 percent sa 2023.
“In the Philippines, the picture is slightly different and we project our economy to grow by around 7.0 percent in 2023. Our actual projection is 6.5 but there are signs that we might be able to surpass that,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Modernization program sa Agriculture sector, isusulong ng Marcos admin
Sa isyu naman ng pagtaas ng presyo ng mga agricultural product at mabilis na inflation, ibinahagi ni Pangulong Marcos ang mga hakbang ng administrasyon upang mapabuti ang local food production at matulungan ang sektor ng agrikultura na makabangon mula sa pagkasira ng agricultural value chain.
Inilahad din ng Pangulo ang plano ng pamahalaan na modernization sa agriculture sector.
“The government will pursue modernization and innovation programs, the development of new farming and fishing technologies, adoption of climate and disaster-resilient technologies, for the enhancement of the agricultural value chain system,” dagdag ng Pangulo.
Madaling pamumuhunan ng mga foreign investor sa bansa, ibinida ni Marcos
Hindi rin pinalagpas ni Pangulong Marcos na ibida ang mga programa ng pamahaalan para sa mas madaling pamumuhunan at pagnenegosyo ng mga dayuhang negosyante sa bansa.
“Amendments to the Foreign Investments Act provide flexibility and transparency and liberalize the practice of professions, making it easier for foreign investors that require foreign talent to do business in the country,” ayon pa sa Pangulo.
PBBM, nakipagkita sa ilang global leader sa sidelines ng WEF
Samantala, nakipagkita rin si Pangulong Marcos sa ilang global leader sa sidelines ng WEF.
Nagkaroon siya ng pagkakataon para makasama sa isang pribadong pulong si WEF Founder at Executive Chairman Professor Klaus Schwab.
Sa muling pagkikita naman nila ni dating UK Prime Minister Tony Blair, pinag-usapan nila ang development plan ng bansa na ayon sa Pangulo ay hindi lamang para sa pag-unlad ng ekonomiya.
Ngunit para din aniya ito na maibsan ang pagdurusa ng mga Pilipino mula sa pandemya habang naghahanda ang bansa sa pagbubukas ng pandaigdigang ekonomiya.
Nagsagawa rin ng bilateral meeting sina Pangulong Marcos at International Monetary Fund Managing Director Kristalina Giorgieva sa sideline ng World Economic Forum.
Pinuri ni Giorgieva ang pananatili ng economic growth ng Pilipinas sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng bansa.
“We found the Philippines to be an exceptionally well-performing country…what you have done in the last year of turbulence to sustain growth… is quite commendable,” ayon kay Kristalina Georgieva, Managing director, International Monetary Fund.