Kawalan ng kakayahang protektahan ang likas na yaman ng bansa, makakaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipino—DOT

Kawalan ng kakayahang protektahan ang likas na yaman ng bansa, makakaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipino—DOT

KASABAY ng patuloy na pagsigla ng turismo sa Pilipinas ay ang mga hamong kinakaharap ng sektor lalo na sa pangangalaga sa kapaligiran at likas na yaman.

Patuloy na tinatangkilik ang naggagandahang lugar sa Pilipinas ng parehong lokal at dayuhang turista.

Mula Enero hanggang Setyembre ngayong 2024 ay nakapagtala ang Department of Tourism (DOT) ng higit 4.1 milyong tourist arrival.

Pero kasabay ng patuloy na pagdami ng mga turistang nagtutungo sa bansa ay ang mga hamong kinakaharap ng sektor.

Gaya na lamang sa Baguio City na isa sa mga sikat na tourist destinations sa bansa.

Kasabay kasi ng patuloy na pagdami ng mga turista sa Summer Capital ng Pilipinas ay ang pagdami rin ng basura sa naturang lungsod.

“Turista pupunta, kakain. Marami talaga iyan. Sa Burnham Park pa lang ang dami namin. Sa palengke pa lang ang dami naming kinukuhang basura. Basically, combination of both residents at mga turista,” pahayag ni Mayor Benjamin Magalong, Baguio City.

Ayon sa Baguio City Government, umabot sa higit 500 tonelada ng basura ang nahahakot ng lungsod kada araw.

Iyan ay mas madami kumpara sa 400 tonelada ng nakokolektang basura kada araw noong pre-pandemic at higit 300 tonelada noong panahon ng pandemya.

Nangangamba ang mga tribung Igorot sa patuloy na pagdami ng basura sa Baguio.

“Masisira talaga ang tradisyon at kultura kung maraming basura. Dahil normally wala naman basura eh noong mga ninuno natin,” saad ni Pastor Nestor Valdez, Representative, Dangdang-ay Cultural Dance Group.

Sa kabila nito, walang tigil ang mga inisyatibo ng Baguio City Government upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa lungsod kasabay ng pagpreserba ng kanilang natatanging kultura at tradisyon.

“Ang binibigyang pansin namin ngayon ay ang circular economy.”

“We are shifting to WTR. Meaning waste to resources. We are going to treat waste as not waste but as a resource,” ayon kay Mayor Benjamin Magalong, Baguio City.

Kaugnay niyan, binigyang-diin ng Tourism Department na kasabay ng pagsigla ng turismo ay dapat na ma-balanse ang pagkonserba at pangangalaga sa kapaligiran.

Ipinaliwanag ni Secretary Christina Garcia-Frasco na kung may kawalan sa kakayahang maprotektahan ang likas na yaman ng bansa ay malaki ang magiging epekto nito.

“Apart from the fact that the Philippines is one of the most at-risk nations in terms of the effects of climate change, the inability to protect our natural assets or biodiversity or marine ecosystems will not just affect our ability to live our beautiful country but also to sustain livelihood and employment sa ating mga kababayan,” wika ni Sec. Christina Garcia-Frasco, Department of Tourism.

‘Responsible tourism’, patuloy na isusulong ng DOT kasabay ng pagsigla ng turismo sa bansa

Dahil diyan, patuloy na isusulong ng DOT ang ‘responsible tourism.’

Kasunod iyan ng pormal na pagkakatalaga kay Frasco bilang bagong chairman ng National Ecotourism Development Council.

Ayon kay Frasco, iba’t ibang programa ang ipatutupad ng DOT na hihikayat sa mga turista na makiisa sa layuning mapanatili ang ganda ng mga natural na tanawin sa bansa.

Iyan ay upang mapanatili rin ang hanapbuhay ng bawat Pilipino sa sektor ng turismo.

“So our tourist will leave the place before when they found it. And this includes implementing volunteerism programs. For example when you go diving, you don’t just dive. You include activities like picking up trash sa coastlines, doing underwater clean-ups and the like. So ‘pag pumunta ka sa ating mga isla, hindi lang na pupunta ka sa beach no, you will participate in opportunities for mangrove planting, tree planting, actions with our indigenous communities,” saad ni Frasco.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble