Pormal nang tinanggap ni North Korean leader Kim Jong Un ang credentials ni Philippine Ambassador to China Jaime Florcruz bilang bagong kinatawan ng Pilipinas sa North Korea.
Ginawa ang seremonya sa Pyongyang noong Nobyembre 22, kasama ang siyam pang bagong ambassador mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa Philippine Embassy, umaasa si Kim na makatutulong ang mga ambassador sa pagpapalakas ng pagkakaibigan at pagbuo ng tiwala sa pagitan ng kanilang mga bansa.
Binigyang-diin naman ni Florcruz ang kahalagahan ng kapayapaan at stability sa Korean Peninsula at sa buong rehiyon.
Nakipagpulong din ang ambassador sa mga opisyal ng North Korean Foreign Ministry upang talakayin ang pagpapalakas ng bilateral relations at pagpapatuloy ng komunikasyon ng dalawang bansa.
Noong 2025, ginunita ng Pilipinas at North Korea ang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang diplomatic relations.
