Panukalang parusa sa act of grooming at pang-aabuso o ang House Bill 11264, inaprubahan na ng House of Representatives sa third and final reading.
Nakakuha ito ng 207 boto pabor, dalawa ang tumutol at isa ang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukala, maituturing na grooming ang pagbuo ng tiwala o emotional connection sa isang bata o sa pamilya nito, personal man o online, upang maisagawa ang sexual abuse o exploitation.
Maaaring patawan ang mapapatunayang guilty ng pagkakakulong, multang P300,000 hanggang P600,000, o pareho.
Mandatory ang pagkakakulong kung adult ang salarin at bata ang biktima, habang maximum penalty naman kung may posisyon ng authority o tiwala ang perpetrator sa biktima.
Pinalalawak din ng panukala ang Safe Spaces Act upang magtakda ng mas mabigat na parusa sa gender-based sexual harassment sa workplace.
