INIHAYAG ng isang spokesperson ng North Korean Defense Ministry na ang plano ng Washington na ang pagbabalik ng U.S. strategic nuclear weapons sa peninsula sa unang pagkakataon mula noong 1981 ay mapanganib.
Ito ay ayon sa Korean Central News Agency.
Ayon dito, ang hakbang ay magdadala ng tensiyon sa rehiyon at maaaring mag-udyok ng malalang nuclear crisis.
Lantaran umano na nuclear blackmail ang plano ng US laban sa North Korea pati na rin sa mga karatig bansa nito na nagpapakita ng matinding banta sa kapayapaan nito.
Una na ngang napagkasunduan ni US Pres. Joe Biden at South Korean Pres. Yoon Suk-yeol na isang U.S. nuclear-armed ballistic submarine ang bibisita sa South Korea pero walang malinaw na timetable na ibinigay para dito.
Ayon dito, ang pagbisita ni Yoon sa U.S. ay bahagi ng pagsisikap na palakasin ang deployment ng strategic assets ng US para mas epektibong matapatan ang nuclear at ballistic missiles program ng North Korea.
Matatandaan na dumating ang isang US nuclear-powered cruise missile submarine noong nakaraang buwan sa Busan, South Korea, habang noong Hunyo ay nakibahagi ang US B-52 strategic bomber sa air military drills ng South Korea bilang pagpapakita ng puwersa kasunod ng nabigong paglulunsad ng North Korea sa military spy satellite nito.