Land reclamation sa Manila Bay, muling iginiit na nakababahala

Land reclamation sa Manila Bay, muling iginiit na nakababahala

UPANG mapabilis ang rehabilitasyon ng Manila Bay ay namahagi ng backhoe-on-barge ang gobyerno sa 11 local government units sa Manila Bay area.

Kabilang dito ang Malabon, Marikina, Muntinlupa, Pasay, Pasig, Pateros, Quezon City, Taguig, Obando, San Fernando, at Bacoor, Cavite.

Ang mga ito ay gagamitin para sa pagtatanggal ng basura sa mga water system sa pamamagitan ng desilting at dredging.

Ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may kasamang suporta mula kay Sen. Cynthia Villar para sa sponsorship ng budget ng ahensiya.

Kaugnay rito, malaking bagay rin ang desilting at dredging para makaiwas sa posibleng pagbaha lalo na’t panahon na ng tag-ulan.

‘‘We encourage the respective recipients to also utilize them in building resiliency against climate change, against increased precipitation and extreme flooding which threaten the lives and properties in many vulnerable communities,’’ pahayag ni Usec. Jonas Leones, DENR.

Pero sa kabila ng hakbang ng gobyerno ay ikinababahala pa rin ang patuloy na pagtatambak ng lupa o ang ginagawang land reclamation project sa Manila Bay.

Posible kasi na dahil dito ay babalik sa mga ilog na nagsisilbing tributaries nito.

Inaasahan na kabilang sa mga maapektuhan ang ilan sa mismong tumanggap ng backhoe.

‘‘Bay ‘yun eh. Maapektuhan nga sila ‘pag tinambakan nila ‘yun di ba. Kami, ‘di namin ‘yun patatambakan. Kami we will clean it pa nga para ‘yung tubig coming from our four rivers; Las Piñas River, Paranaque River, Zapote River, Molino River can go out of Manila Bay,’’ ayon kay Sen. Cynthia Villar.

August 7, 2023 ay ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsuspinde ng lahat ng reclamation project sa Manila Bay pero hindi ito naisulat o lumabas bilang executive order.

Sa ngayon, ay patuloy ang reclamation sa ilang lugar sa Manila Bay na pinalagan naman ng ilang senador.

Pinagtataka ni Sen. Loren Legarda kung bakit pinayagan itong mangyari ng DENR na siya namang nagbibigay ng environment compliance certificate.

‘‘I am still wondering how the DENR issued the ECC. Magandang tingnan ang kanilang ECC kung ano ang basehan nito kung hindi ito magdulot ng pagbaha sa Metro Manila. Dahil common sense kung liliit ang lawa, liliit ang bay di ba mag-o-overflow?’’ ayon naman kay Sen. Loren Legarda.

Agosto 9 naman ng nakaraang taon una nang inirekomenda ni Sen. Chiz Escudero na sampahan ng kaso ang mga opisyal ng gobyerno na posibleng nasuhulan para matuloy ang reclamation project.

“Make sure that it will not have any adverse impacts on our environment, given climate change, as well as the safety and convenience of our people in potentially affected areas,” saad pa ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Ayon sa kaniya, posible itong magkaroon ng masamang epekto sa kapaligiran maging sa pamumuhay ating mga kababayan.

Follow SMNI NEWS on Twitter