PINABULAANAN ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga ulat na kumukalat sa social media na magpapatupad ng martial law para matugunan ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay Lorenzana, walang matinding rason para ideklara ang martial law.
Sinabi ni Lorenzana na siya ring chairman ng National Task Force against COVID-19 na ang 17,220 na bagong kaso ng COVID-19 na naitala kahapon ay mas mababa kumpara sa mahigit 26,000 na naitala noong 2021.
Dagdag pa nito na sa kabila ng pagiging mas nakakahawa, ang Omicron variant na pinaniniwalaang nasa likod ng pagtaas ng mga kaso ay hindi masyadong mapanganib kaysa sa Delta variant.
Samantala, sinabi ng Defense Secretary na sinusuri pa rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung magpapatupad ng mas mahigpit na restriksyon sa Metro Manila.