BINALOT agad ng pangamba ang karamihan sa mga residente ng Marikina City habang nararanasan ang tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan mula kahapon ng hapon hanggang hatinggabi.
Umabot pa ng second alarm ang lebel ng tubig sa Marikina River nang umabot sa 16 meters ang taas nito.
Ayon sa ilang residente, kapag ganitong mga sitwasyon gaya ng pag uulan, may halong kaba agad ang kanilang nararamdaman dahil sa mga karanasan nila nitong mga nagdaang bagyo tulad ng Ondong at Ulysses kung saan hindi lang tubig baha ang bumalot sa lungsod kundi maging putik din.
Isa ang Provident Village sa mga lugar sa Marikina na madalas nakakaranas ng matataas na tubig baha tuwing may mga kalamidad kaya naman, kahit sa pag-uulan kahapon, agad na bumalik sa kanila ang pag-aalala.
Agad ding nag-ikot ang barangay tanod sa lugar para siguruhing may sapat na babala ang mga residente.
Samantala, bukod sa Provident Village, isa din ang Barangay Tumana sa mga lugar sa Marikina na inaabot din ng tubig baha dulot ng pagtaas ng tubig sa Marikina River.
Kaya naman ilan sa mga residente nito ay agad ding nagbalot ng mga gamit kung sakaling abutin sila ng pagtaas ng tubig sa lugar.