KUMPYANSA ang Malakanyang na magkakaroon ng magandang ugnayan ang Pilipinas at Estados Unidos sa pag-upo ngayon ni US President Joe Biden.
“We congratulate again the incoming President. And we look forward to having close and friendly relations with the Biden administration,” ang naging mensahe ni Presidential spokesperson Secretary Harry Roque ilang oras bago manumpa si Biden.
Una nang inihayag ng Palasyo na walang mangyayaring major changes sa bilateral relations ng Pilipinas sa Amerika sa ilalim ng pamununo ni Biden kung saan tiwala itong patuloy pa rin ang malapit na ugnayan ng dalawang bansa.
Inihayag din ni Roque na welcome din sa Malakanyang ang balak ni Biden na mag-alok ng legal status sa milyong immigrants na iligal na nakatira sa Estados Unidos kung saan maraming mga Pilipino ang makabebenipisyo rito.
“Ang mabuti sigurong mangyayari, ngayon pa lang inanunsyo na ni President-elect Biden na magpo-propose siya ng batas to legalize the stay of 11 million illegal aliens in the United States at siyempre po may mga Pilipino na magbebenepisyo sa batas na ‘yan,” ayon kay Roque.
Noong Nobyembre taong 2020, sinabi ni Philippine Ambassador to the U.S. Jose Manuel Romualdez na umaabot sa 350,000 na mga Pilipino ang humaharap sa deportation sa nasabing bansa.
Sa kabilang banda, may ilang nagsabi na ang eleksyon sa Estados Unidos ay mahalaga sa Pilipinas sapagkat puwedeng baguhin nito ang relasyon ng dalawang bansa dahil na rin sa war on drugs ni Pangulong Duterte na nagdulot ng alarma kay dating US President Barack Obama na isang Democrat.
Kung matatandaan, inihayag ni Ateneo de Manila political science professor Melay Abao, na hindi malamang susuportahan ni Biden ang aniya’y kontrobersyal na kampanya kontra iligal na droga ng Administrasyong Duterte.
Nitong Miyerkules, nanumpa na bilang pinakabagong presidente ng United States si Democrat Joe Biden na pinangunahan ni U.S. Chief Justice John Roberts na nagmamandato sa kanya na “Preserve, protect and defend the Constitution of the United States.”
Si Biden, ang pinakamatandang naging presidente ng Amerika sa kasaysayan, sa edad na 78.