ISANG matagumpay na peace rally ang isinagawa ng Maisug UK sa London para magbigay suporta kay Vice President Sara Duterte at maisulong ang mga senatorial candidates ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Mahigit 200 Pilipino mula sa iba’t ibang bahagi ng United Kingdom (UK) ang nagkaisa sa isang makabayang pagtitipon na may temang “Sigaw ng Maisug UK para sa Mahal Nating Inang Bayan – Tama Na, Sobra Na, Tanggalin Na!”
Ginawa ang rally sa Maxilla Social Club, London, sa pangunguna ng Maisug UK, katuwang ang iba’t ibang Filipino communities.
Sa buong programa, namayani ang diwa ng pagkakaisa at determinasyon ng mga dumalo na ipagtanggol si VP Sara Duterte laban sa mga umano’y tiwaling indibidwal na nagnanais siyang mapatalsik sa puwesto.
Kasabay nito, tinalakay rin ang mga kontrobersiyal na isyu, kabilang ang paggamit ng budget at public funds na sinasabing naililihis ng kasalukuyang administrasyon.
Bilang bahagi ng programa, itinampok at isinulong din ang mga kandidato ng PDP-Laban na tumatakbo sa pagka-senador. Hinikayat ang mga Pilipino na maging mapanuri at suportahan ang mga kandidatong tunay na magsusulong ng kapakanan ng bayan.
Isang mahalagang bahagi ng rally ang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa overseas voting para sa nalalapit na Mayo 2025 elections.
Ipinaliwanag sa mga OFW at mga kababayang nasa UK ang proseso ng online voting, na isang mahalagang hakbang upang masigurong ang mga mailuluklok sa puwesto ay may tunay na malasakit sa bayan.
Lubos ang pasasalamat ng Maisug UK sa lahat ng dumalo at sa patuloy na sumusuporta sa kanilang adbokasiya.
Muling ipinaalala sa bawat Pilipino ang kahalagahan ng pagiging mapanuri at responsable sa pagboto para sa kinabukasan ng ating bansa.