Malankanyang, hindi ikinagulat na isa ang Pilipinas sa pinakaapektado sa matinding kalamidad

IGINIIT ng Malakanyang na hindi na ito nasorpresa sa nakamit na mataas na ranking ng Pilipinas na pinakaapektadong bansa sa matinding kalamidad sa mundo ayon sa Climate Risk Index.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi na siya nagulantang pa na napasama ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa na pinakaapektado ng extreme weather sa buong mundo.

Matagal na rin aniyang natukoy ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa na madalas tinatamaan ng climate hazards gaya ng bagyo, pagguho ng lupa, pagbaha, at tagtuyot.

Kung kaya, ani Roque, ito ang dahilan kung bakit nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Paris Agreement on Climate Change noong Marso taong 2017 na siyang nag-oobliga sa mga bansa na bawasan ang greenhouse gas emissions at isulong ang renewable energy.

Nag-formulate ang gobyerno ng Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR) Roadmap para sa 2018 hanggang 2022 sa mga lugar gaya na lamang ng National Capital Region (NCR), Iloilo, Cebu, at Davao.

Base sa Global Climate Risk Index Report for 2021 ng Research Group Germanwatch, nasa ikaapat na puwesto ang Pilipinas sa tala ng mga bansa na pinakaapektado ng matinding kalamidad mula 1999 hanggang 2018.

Batay sa ulat, maaaring ma-classify ang worst-hit countries sa dalawang grupo, kasama na ang pinakaapektado dahil sa exceptional catastrophes at ang mga naapektuhan ng extreme events na on an ongoing basis.

SMNI NEWS