AABOT sa 1,500 ng mga miyembro ng Manila Police District (MPD) ang ilalatag sa bahagi ng Binondo, Maynila o ang tinaguriang Chinatown sa lungsod bilang bahagi ng seguridad sa selebrasyon ng Bagong Taon ng mga Filipino-Chinese sa darating na Pebrero 10, 2024.
Nagpahayag na rin ang MPD ng ‘Oplan Paalala’ sa mga magtutungo sa Binondo kung saan inaasahan magaganap ang grand celebration ng Chinese New Year.
Naglagay na rin ng mga tarpaulin sa mga prominenteng lugar kung saan mababasa ang paalala sa publiko na maging mapagbantay sa lahat ng oras bilang preventive measures laban sa kriminalidad at iba pang uri ng ilegal na aktibidad.
Samantala, ipinalabas na ng pamahalaang lungsod ng Maynila at Manila Police ang ilang kalye na isasara sa Binondo kaugnay sa isasagawang fireworks display bilang pagsalubong sa Year of the Wood Dragon.
7:00 ng gabi, Pebrero 9 ay isasara na ang southbound lane ng Jones Bridge habang ang northbound lane ng tulay ay isasara 10:00 ng gabi.
Sarado rin ang kahabaan ng Quintin Paredes, mula Padre Burgos Avenue hanggang Dasmariñas St., Jones Bridge, Plaza Cervantes at ang kahabaan ng Binondo-Intramuros Bridge.
Isinasapinal na ng MPD at Manila LGU ang alternatibong ruta sa Binondo dahil na rin sa idaraos na float parade.