MAGKAROON na dapat ng maraming job opportunities sa bansa.
Ayon kay OFW Partylist Rep. Marissa del Mar sa panayam ng SMNI News, ito ang isa sa paraan upang hindi na kailangan pang pumunta sa abroad ang mga Pilipino para kumita ng pera.
Aniya, hindi maiiwasang makumpara ng isang OFW ang nakukuha nitong sahod sa abroad at sa Pilipinas.
Iginiit pa ng kongresista, kung mangyayari ngang magkaroon ng maraming job opportunities sa bansa ay magiging pareho lang din ang kabuoang kita ng isang pamilya.
Ang suhestiyon na ito ni Rep. Del Mar ay kaugnay sa sinapit sa Kuwait ng OFW na si Jullebee Ranara kung saan maliban sa ginahasa ay sinunog at itinapon pa ito sa isang disyerto doon.
Pinaalalahanan din nito ang mga migrant office ng pamahalaan sa abroad na tutukan ang kalagayan ng mga OFW at bigyan ng agarang aksyon at huwag isantabi sakaling nangangailangan ng tulong.