SINUSPINDE ng Malacañang ng 12 buwan sina Urdaneta City Mayor Julio Parayno III at Vice Mayor Jimmy Parayno.
Ito ay matapos mapatunayang nagkasala sa administratibong kaso ng Grave Misconduct at Grave Abuse of Authority.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ni Liga ng Mga Barangay (LIGA) President Michael Brian Perez noong Oktubre 2022, nang siya ay ilagay sa indefinite suspension ng alkalde noong Hunyo 15, 2022.
Ayon kay Perez, ang kaniyang pagkatanggal bilang LIGA president ay hindi wasto at labag sa proseso, batay sa opinyon ni LIGA National President Eden Pineda na nagsabing ang hakbang ay “null and void.”
Ang kautusan ay pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Enero 3, at inilabas ang kopya nito noong Enero 7.
Inatasan naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Office 1 na ipatupad ang nasabing suspensiyon.