Mayor Baste: Binastos ng kasalukuyang administrasyon ang mga taga-Davao del Norte

Mayor Baste: Binastos ng kasalukuyang administrasyon ang mga taga-Davao del Norte

SINABI ni Mayor Sebastian “Baste” Duterte na isang pambabastos sa mga taga-Davao del Norte ang ginawa ng administrasyon na hayagang pag-suspinde sa kasalukuyang Gov. Edwin Jubahib dahil sa isang napakababaw na dahilan.

Binigyang-diin ng batang Duterte na nagsimula ang lahat nang pumayag ang gobernador na magsagawa ng prayer rally ang grupo ng Hakbang ng Maisug sa kaniyang lugar.

Aniya, gumawa umano sila ng estorya na kinuha ng gobernador ang sasakyan sa isang board member na doble naman ang sasakyan nito at saklaw naman sa awtoridad at kapasidad ni Jumajib bilang isang gobernador ang pagkuha ng nasabing sasakyan.

“Alam naman niyo, kung ang away nga na muntik nang magpatayan ay kayang ayusin, ito pa kaya? Kung matalino sana sila, humanap sila ng mas magandang rason pa sana. Halatang-halata na ang kanilang ginagawa ay pambabastos sa inyo. Binastos talaga kayo, ‘yan ang totoo, binastos ang boto ninyo,” paliwanag ng matapang na alkalde ng Davao.

Sinabi pa nito na kung ganitong klase ang liderato ng Pilipinas, walang magandang kinabukasan ang bansa. Mawawala aniya ang ating karapatan dahil kung ayaw ka ng pamunuan, hahanapan ka ng dahilan para mapaalis at kung gusto ka naman nila hahanapan ka ng paraan para mailagay sa posisyon.

Dahil dito hinimok ni Mayor Baste Duterte ang mga Pilipino na hindi papayagan ang kasalukuyang administrasyon na yurakan ang ating karapatan.

Kongreso pabor sa mga ginagawa ng kasalukuyang administrasyon—Mayor Baste

Ayon kay Mayor Baste, gustong-gusto ng Kongreso ngayon ang liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ipinaliwanag ni Duterte na kung may Pangulo aniya sa isang bansa na pinairal ang kaniyang awtoridad sa pagpili ng kaniyang mga papaboran, ‘cronyism’ na pamamahala ang tawag dito.

Kung sino ang magugustuhan nito, iyon lang ang bibigyan ng posisyon.

Aniya, gusto ito ng Kongreso dahil gustong-gusto nila na mag-manipula sa kanilang mga ‘political businesses’ kaya hindi sila kumikibo.

“Ito ang katotohanan,” dagdag pa nito.

Ito aniya, ang dahilan kung bakit nilagay ni Marcos ang kaniyang pinsan na si Cong. Martin Romualdez, bilang House Speaker upang masigurado na hindi siya mapatalsik sa puwesto bilang pangulo sa pamamagitan ng impeachment, kagaya ng nangyari kay dating Pangulong Joseph Estrada.

Isinusulong din ng mga ito ang ‘People’s Initiative’ sa layuning mas mapalawig pa ang kanilang mga termino sa kabila ng katotohanan na wala pang nagawang matinong trabaho ang mga ito.

Dating Pangulo, muling pinayuhan si PBBM na makuntento sa kaniyang 6-taong termino.

Muling pinayuhan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kasalukuyang pangulo na si Pangulong Ferdinand R. Marcos na makuntento at huwag nang sumubok na baguhin pa ang Saligang Batas ng Pilipinas na nagbibigay ng anim na taong termino sa isang pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.

Sinabi ng dating pangulo kay Marcos na sana maalaala nito ang nangyari sa kaniyang ama, dahil kung pipilitin nito na baguhin ang Constitution, malaki ang posibilidad na susundan din nito ang yapak ng kanyang ama na pinatalsik sa Malakanyang.

Aniya, sa panahon lang ni dating Pangulong Ferndinand Marcos Sr. at panahon ngayon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gusto nilang kalkalain ang Constitution dahil ayaw ng mga ito na bumaba sa puwesto.

Binigyang diin ng dating pangulo na walang dahilan para bibigyan pa ng ibang pagkakataon na magpalawig pa ng kaniyang termino si Marcos dahil wala itong abilidad.

Dapat maging masaya na lang aniya si BBM na tapusin ang kaniyang termino sa loob ng anim na taon. Makuntento at magpasalamat ito na binigyan ng panahon ng Panginoong Diyos na makapagsilbi sa bayan bilang pangulo ng Pilipinas sa kabila ng ‘di magandang history ng pagbaba ng kaniyang ama sa puwesto.

Ani Duterte, “pinatawad siya ng maraming Pilipino kaya dapat magpasalamat siya, mahalin niya ang bansang Pilipinas at isipin niya na tayo ay iisang bansa lamang.”

FPRRD pinatunayang totoo ang mga dokumento na ipinakita ni Maharlika tungkol sa paggamit ni PBBM ng ilegal na droga

Sa prayer rally na isinagawa ng Hakbang ng Maisog sa Davnor Sports and Tourism Complex, Mankilam, Tagum City, ikinuwento ni dating Pangulong Duterte na siya ang unang nakakita sa mga dokumentong inilabas na gumagamit ng ilegal na droga ang kasalukuyang Pangulo ng bansang Pilipinas na si PBBM.

Mayor pa lamang aniya ito nang mga panahong iyon, nang ipinakita sa kaniya ng mga military na naka-assign sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga nasabing dokumento, ngunit sinabihan lang niya ang mga military na magtrabaho lang ang mga ito.

Ipinaliwanag ng dating Pangulo na hindi niya inutusan ang mga military at ayaw rin niyang pangunahan na pakialaman ang isang tao na kapwa niya nasa serbisyo sa gobyerno.

“Mayor lang ako at Senador siya, kaya sinabi ko sa kanila magtrabaho lang kayo,” ani Duterte.

Nang naging pangulo na aniya siya ng Pilipinas, hindi pa rin niya pinakikialaman si PBBM.

Naudlot umano ang isasagawa sanang operasyon ng PDEA na i-raid ang condo unit upang hulihin ito dahil doon nagpu-polvoron o sumisinghot ng ipinagbabawal na gamot.

Matatandaang ang sikat na political vlogger na si Maharlika ang unang nag-expose ng mga ebidensiya na noong Marso 10, 2012, ay magkaroon dapat ng operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Unit 46-C, Rizal Tower Building Rockwell, sa Barangay Población Makati City.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter