INIHAYAG ni Secretary Susan Ople na magiging tahanan na ngayon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang Department of Migrant Workers (DMW).
Kasunod ng pagtatalaga ng mga pangunahing opisyal ng kagawaran ngayong araw.
Nanumpa na kay DMW Sec. Susan Toots Ople ang mga mga bagong talagang opisyal ng kagawaran.
Kabilang sa nanumpa si dating Philippine Overseas Employment Administration (POEA) administrator na ngayon ay Undersecretary for Licensing and Adjudication Services at mananatiling OIC ng POEA si Atty. Bernard Olalia.
Nanumpa rin si dating Overseas Workers Welfare Administration Administrator (OWWA) na ngayon ay Undersecretary for Welfare and Foreign Employment na si Atty. Hans Leo Cacdac.
Ang dating OWWA Deputy Administrator Asec. Arnell Ignacio ay nanumpa na rin bilang administrator ng ahensya via Zoom.
Gayundin si Undersecretary for Finance and Internal Affairs Anthonette Velasco Allones.
Si Velasco-Allones ay dating head ng Tourism Promotion Board at dati na ring DOLE Assistant Secretary sa panahon ng administrasyong Arroyo.
Kasama rin sa iba pang appointees ang mga bagong pangalan sa serbisyo ng pamahalaan tulad ng abogadong si Patricia Yvonne Caunan na ngayon ay nanumpa bilang Undersecretary for Policy and International Cooperation.
Si Usec. Caunan ay isang tagapagtanggol para sa mga karapatan ng migrant workers at nagbibigay ng libreng legal assistance at payo sa mga OFW sa iba’t ibang forum.
Sa hanay ng tanggapan ni Usec. Olalia, isa sa mga tututukan nila ngayon ang pagbabago ng mga alituntunin partikular na sa recruitment violations na tinatawag kung saan ang batas na ito ay ginawa para sa illegal recruitments at human trafficking laban sa mga OFW.
Pagtutuunan din ni Olalia ang mabilis na proseso ng mga dokumento ng mga OFW gaya ng Overseas Employment Certificate.
Sa Welfare and Foreign Employment, sinisigurado ni Usec. Cacdac na magiging maayos, akma, at mabilis na rumisponde ang kanilang tanggapan sa panahon ng pangangailangan ng tulong, pagsagip, pagkalinga o krisis ng mga OFW abroad.
Sa tanggapan ng OWWA ipapadama nila sa mga OFW tuwing uuwi sila sa bansa na magiging tahanan na rin nila ang DMW at ang pagtulong at iba pang programa ay ipagpapatuloy maging sa mga anak ng OFW.
Sa hanay naman nila Usec. Velasco-Allones sila ang backbone ng pagbabalangkas ng DMW.
Ayon kay Allones, narekomenda na ng Department of Budget and Management (DBM) ang organizational staffing at structure ng DMW nito lamang Martes.
Sa tanggapan naman ng Policy and International Cooperation ang hangarin nito ay magtulak ng mga polisiya at mga kasunduan sa mga bansa kung saan ang mga OFW.
Aminado naman si Sec. Ople na pinili niya ang mga itinalagang opisyal dahil nakikita nito ang dalisay at malinis na hangarin sa mga OFW.
Sa katunayan nga marami ang lumalapit sa kanya at nag a-apply bilang undersecretary.