Mga billboard sa kalsada, pinaiimbestigahan sa Senado

Mga billboard sa kalsada, pinaiimbestigahan sa Senado

PINAIIMBESTIGAHAN sa Senado ang mga billboard sa kalsada.

Nakakalula ang mga naglalakihang billboards sa EDSA.

Ang mga motorista’t pasahero, di rin maiiwasang di titigan ang mga makukulay na billboards na ito.

Pero ‘yun lang kasi kapag masyado nitong nakuha ang iyong atensiyon, posibleng disgrasya ang abutin mo.

Dahil dito, nais paimbestigahan ngayon ni Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. ang pagdami ng bilang ng malalaking billboards sa mga lansangan.

Aniya nagiging banta ang mga ito sa kaligtasan ng mga drayber ng mga pampasahero at pribadong sasakyan.

Sa kaniyang Senate Resolution No. 924, iginiit ng mambabatas na ang mga nasabing istruktura ay maaaring magdulot ng panganib sa mga gumagamit ng kalsada.

“Kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista sa mga kapahamakang maaaring maging dulot ng mga naglalakihang billboards. Lubhang nakakaabala ng atensyon ang mga ito lalo na ‘yung mga nakakasilaw na posibleng magdulot ng aksidente sa kalsada sa mga maaaring ma-distract dito,” ayon kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.

Sinabi ni Revilla na dahil sa mga LED billboards ay nababaling ang atensiyon ng mga taong nagbibiyahe sa mga kalsada dahil sa mga nakasisilaw na ilaw, gayundin ang mga motion billboards.

“Ang higit na nakakatakot ay kapag nagkakaroon ng mga lindol. These nuisances may even exacerbate the situation and turn it into a disaster. That is exactly what we want to avoid,” dagdag pa nito.

Kinuwestiyon din niya ang structural integrity ng mga ganitong uri ng billboards na madaling dahilan ng aksidente sa panahon ng kalamidad.

Ipinaalala rin ni Revilla na Marso 2024 ang deadline para sa Executive Order No. 165 na inilabas noong Marso 2022.

Sa ilalim ng nasabing EO ay nakadetalye ang panuntunan na dapat sundin ng billboard owners at operators.

Ayon kay Revilla, dapat panagutin ‘yung mga hanggang ngayon ay nagmamatigas sa pagsunod sa mga itinakdang standards.

Umaasa naman si Revilla na magsasagawa na ng pagdinig ang Committee on Public Works upang talakayin ang nasabing resolusyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble