COMELEC, deadma pa rin sa panawagang ibasura ang natanggap na PI forms

COMELEC, deadma pa rin sa panawagang ibasura ang natanggap na PI forms

HINDI raw basta-bastang maibabasura ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga isinumiteng lagda sa kanila para sa People’s Initiative (PI).

Matatandaan na sa pagdinig ng Senate Committee on Poll Reforms ni Sen. Imee Marcos noong nakaraang linggo sa Davao City, kaliwa’t kanan na ang tumestigo laban sa pagkalap ng pirma para sa PI.

Inamin din ng mga testigo na pinangakuan sila ng ayuda kapalit ng kanilang lagda.

Dahil dito, muling humirit si Sen. Imee na ibasura na ng COMELEC ang mga natanggap na signature forms na may kinalaman sa PI.

Ayon kay Garcia, bago pa ang suspension ng proseso sa PI, nakatanggap sila ng 2M at 174,000 na lagda na kumakatawan sa 220 mula sa 253 na legislative districts sa Pilipinas.

Sabi pa ni Garcia, bukas ang kanilang mga local offices sa mga proponent o nagpasa ng signature forms kung gusto nilang bawiin ito.

Pero giit niya dapat maibalik ng mga ito ang certification na binigay sa kanila ng mga election officers bago nila mabawi ang forms.

COMELEC, nag-iingat na mabiktima ng cyber hacking, voter search ng poll body tinangkang i-hack—COMELEC Chief

Samantala, sinabi naman ni Garcia, na isa sila sa mga ahensiya ngayon na nag-iingat na mabiktima ng cybercrime.

Ayon kay Garcia, ngayong papalapit na ang 2025 mid-term elections halalan ay hindi sila pwedeng malusutan ng hacker lalo pa’t papayagan nila ang internet voting para sa mga OFW.

Aminado naman ito na noong Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at holiday season ay nakatanggap sila ng mga pagtatangka na ma-hack ang kanilang data pero hindi aniya ito nagtagumpay.

Apela lang ng COMELEC ngayon sa publiko na huwag magpapaloko sa mga nag-aalok ng voter information kapalit ng pera.

Ayon kay Garcia, walang bagong data breach sa kanilang sistema na puwedeng pakinabangan ng mga hacker.

Follow SMNI NEWS on Twitter