INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na ang mga biniling Personal Protective Equipment (PPE) ng pamahalaan para sa mga healthcare workers ay pasok sa itinakdang pamantayan ng World Health Organization (WHO).
Sinabi ng kagawaran sa isang pahayag na katulad sa standards ng WHO ang mga biniling PPE ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
‘’The technical specifications set during the procurement of the PPE sets were based on WHO Standards,’’ayon sa DOH.
Sa kabila rin ng mataas na demand at limitadong suplay, anila, nagawang bilhin sa halagang P1,700 ang mga PPE, mas mura kumpara sa inilaang P2,000 budget per unit.
‘’Despite the high level of demand and limited global supply…DOH was able to procure the PPE sets from PS-DBM at a price ranging from P1,700 to less than P2,000…cheaper than the DOH’s allocated budget of P2,000 per unit as contained in the Purchase Request (PR) to the PS-DBM,’’dagdag nito.
Saad din ng DOH mas mura ang naturang presyo kumpara sa presyo noong wala pang pandemya.
Matatandaang kamakailan lang ay pinabulaanan ng Malacañang ang akusasyong ‘overpriced’ ang mga biniling PPE ng kasalukuyang administrasyon at sinabing nakabili ng PPE ang Aquino administration sa mas mahal na presyo noong wala pang pandemya.
Dagdag ng DOH, hindi sila nakatanggap ng anumang reklamo mula sa mga healthcare workers ukol sa kalidad ng mga biniling PPE sets.
Kabilang sa set ang coverall suits, gloves, N95 mask, head cover, shoe cover, surgical mask, surgical gown, apron, at face shield.