PAGMUMULTAHIN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga contractor ng Globe Telecom na hindi tinapos ang road works sa EDSA.
Mas mabigat na daloy ng trapiko ang bumungad sa mga motorista nitong araw ng Lunes.
Pero hindi lang dahil iyan sa nagsiuwian na ang mga nagbakasyon sa kani-kanilang mga probinsiya noong Semana Santa.
Napag-alaman ng MMDA na ilang proyekto ng Globe Telecom sa EDSA na may kasamang paghuhukay sa kalsada ang hindi natapos sa loob ng itinakdang panahon ng ahensiya na hanggang 5:00 ng umaga ng Lunes.
Sa 40 manholes na hinukay ng mga sub-contractor ng Globe na R-Link Corporation at HGC Global Communications para sa fiber optic installation, 24 rito ang hindi natapos.
Sa pakikipag-usap ng MMDA sa mga contractor nitong umaga ng Lunes, kanila umanong ikinatwiran na nagkaproblema sila sa logistics.
“Marami silang ikinakatwiran na totally unacceptable. Talaga pong masasabi natin na makasarili sila. Hindi nila inintindi ‘yung traffic na kanilang icau-cause. In fact, sinita ko pa nga sila, iniwan lang na nakatiwangwang ‘yung mga hukay. Ni walang traffic marshals. Wala talaga. Ang masama pa, ginamit pang pangharang ay mga MMDA cones and barriers, na plastic barriers. Kaya ang akala ng lahat MMDA project,” pahayag ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
Dagdag pa ni MMDA Acting Chairman Romando Artes na dahil sa matinding traffic, milyun-milyong piso ang nawawala sa ekonomiya.
Sinabi naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi rin pulido ang pagkakagawa ng mga ito kaya kailangang bakbakin at gawin muli na tinatayang tatagal ng tatlong araw.
“Hindi siya ano sa specs ng DP. ‘Yung workmanship kasi hindi maganda. Hindi siya andoon sa surface niya. Uuka-uka,” saad ni Loida Busa, District Engineer, Quezon City First District Engineering.
Pagmumultahin ng MMDA ang R-Link at HGC ng P50,000 sa bawat hukay na hindi natapos kada araw.
Bukod pa iyan sa mga violation na kanilang nagawa tulad ng hindi paglalagay ng mga traffic marshals.
Pinadedeny naman ni Artes ang nakapending na permit ng HGC para sa phase 2 ng kanilang mga proyekto.
Pinag-aaralan na rin aniya ang pagbawal sa mga kompanyang ito na kumuha ng permit mula sa MMDA.
Pananagutan ng Globe Telecom sa mga hindi natapos na road works sa EDSA, inaalam ng MMDA
Inaalam na rin ani Artes ang magiging pananagutan ng Globe Telecom.
“In fact pinag-usapan namin kaninang umaga iyan na hindi lamang po siguro ‘yung contractor ang managot kapag sa ganitong pagkakataon kundi ‘yung may-ari rin mismo ng project para may responsibilidad din sila to make sure na ‘yung contractor nila ay maayos at susunod po sa patakaran ng permit na atin pong iniisyu,” dagdag ni Artes.
Hinihingi na ng SMNI News ang panig ng Globe Telecom.
Matatandaan na noong Semana Santa ay pinayagan ng MMDA ang anumang road works para samantalahin na walang tao sa Metro Manila simula noong Miyerkules hanggang nitong Lunes.