SAPUL sa mas pinaigting na clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motor, tricycle na ilegal na nakaparada sa bangketa at sidewalk sa kahabaan ng Monumento sa Caloocan City.
Ito’y sa pangunguna ng bagong Deputy Officer-in-Charge na si Gabriel Go sa ilalim ng Special Operations Group-Strike Force ng ahensiya na inilunsad, araw ng Martes.
“Dito sa Northern part dito sa Monumento area, kaya tayo nag-clearing ngayon it’s because we have a request no as a joint operations between the local traffic and also our Northern District na magkaroon tayo ng joint operations clearing not only today but also tomorrow also for preparations sa alternative routes upcoming Bonifacio Day natin,” ayon kay Gabriel Go, Deputy OIC, Special Operations Group-Strike Force, MMDA.
Sa clearing operations ng ahensiya, hindi pinalagpas ang ilang gamit ng mga vendor na nakaparada na sa sidewalk na naging dahilan ng pagsisikip ng daan at daloy ng trapiko.
Nabulaga rin si Kuya Edward nang madatnan na kabilang ang kaniyang pinapasadang tricycle ang natiketan.
Ayon kasi sa MMDA Strike Force, ilegal na nakaparada ang kaniyang tricycle sa sidewalk.
Pero, katuwiran ni Kuya Edward.
“Ginagamit kasi ‘yung court, tapos sabi nila dito muna. Pero, dito po ay ano namin to pilahan talaga namin. Walang choice, natiketan na po,” ayon kay Edward, Natiketan dahil sa illegal parking.
Punto naman ni Deputy OIC Gabriel Go na ilang beses nang binabalik-balikan ng MMDA ang kanilang lugar dahil sa talamak na illegal parking.
Kung kaya’t, dapat lamang na magtanda na ang mga ito at sumunod na lamang sa tamang pinaparadahan.
“It’s very important makikita natin tulad ng kalsada dito ngayon, napakasikip na po at kaliwa’t kanan nakaparada ang mga tricycle, ang mga tindahan nandoon ang paninda sa sidewalk. So, it’s very important not only apprehend this but bigyan natin nang tamang kaalaman ang ating mga kababayan na ang sidewalk ay its meant for pedestrian at ang kalsada ay it’s meant to maintain mobility para sa mga motorista natin. Kasi kung tayo po ay gagawin natin na paradahan ang lahat ng kalsada ay hindi natin masosolusyunan ang traffic natin,” dagdag ni Go.