Mga konsyumer, magsasaka, ‘di nakinabang sa pinababang taripa ng imported rice—FFF

Mga konsyumer, magsasaka, ‘di nakinabang sa pinababang taripa ng imported rice—FFF

TATLONG buwan na ang nakalipas matapos pirmahan ni Marcos Jr. ang Executive Order No. 62 o ang mababang taripa.

Sa ilalim ng kautusan, ibinaba sa 15% ang taripa sa mga inaangkat na produktong agrikultura mula sa 35% kabilang na riyan ang mga imported na bigas.

Pero sa buwang ito ng Setyembre, nasa P42/kg ang pinakamura at P65/kg naman ang pinakamahal na lokal at imported na bigas.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 40 sentimos kada kilo lamang ang ibinaba sa presyo ng regular at well-milled rice sa merkado.

Sabi ng grupong Federation of Free Farmers (FFF), malayong-malayo ito sa P7/kg na presyo ng bigas na ipinangako ng pamahalaan.

Katunayan, ibinunyag ng grupo na batay sa kanilang kalkulasyon, umaabot umano sa P5B ang naibulsa o natipid ng mga importer, wholesalers at retailers na buwis.

“Ito pong limang bilyong piso, ito po ‘yung natipid ng ating rice importers bunga po ng pagbaba ng buwis o taripa na binabayad nila sa imported na bigas.”

“So, base sa pumasok na bigas humigit-kumulang mga walong daang libong metriko tonelada na ang binabayaran pong mga importer natin ay 15% na lang,” ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.

Ang masaklap sabi ng grupo hindi man lang ito napakinabangan ng mga konsyumer at magsasaka dahil hindi naman bumaba ang presyo ng bigas.

“Sana man lang kung nabawasan na nga ‘yung farmers natin ng limang bilyong piso doon sa Rice Competitive Enhancement Fund sana itong limang bilyong piso na nalikom bilang savings ng ating importers at least man lang sana ay ipinasa sa ating mga consumer at least nakinabang sila, pero hindi po eh,” ayon pa kay Montemayor.

Dahil nga anila sa pagbaha ng imported na bigas sa nga pamilihan ay bumaba rin ang presyo ng palay.

Aminado naman si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi naman kasi aniya agad-agad na bababa ang presyo ng bigas dahil sa EO 62.

Karamihan daw kasi sa mga suplay na hawak ngayon ng ilang importers o traders ay mahal pa ang kanilang kuha o binayarag buwis.

“Hindi talaga bababa pa ang presyo ng bigas ng ganung kalaki na lima hanggang pitong piso sa ngayon,” ani Francisco Tiu Laurel Jr., Secretary, Department of Agriculture.

“Dahil naubos lang iyong stocks ng excess na nabili na mahal ang taripa at sa mahal na presyo itong end of August pa lang.”

“Itong September naman, ang nako–consume natin ngayon is ang bigas or palay nung nabili noong January to June ng napakamahal ng local traders or local buyers,” dagdag ni Laurel.

Pagbibigay-diin ni Laurel, kahit papaano’y napakinabangan naman ito ng mga konsyumer dahil sa bahagya umanong pagbaba ng presyo ng bigas.

Gayundin sa mga magsasaka dahil binibili naman ng National Food Authority (NFA) ang palay sa halagang P29 – P30 kada kilo.

“And hopefully, tuluy-tuloy ng pababa iyan by January. Siguro makuha natin at least less 5 pesos by January,” ani Laurel.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble