Mga malalaking sindikato sa droga, balik na sa operasyon ayon kay Sen. Bato dela Rosa

Mga malalaking sindikato sa droga, balik na sa operasyon ayon kay Sen. Bato dela Rosa

NAGBABALA si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na nagbabalik na sa bansa ang mga malalaking sindikato ng iligal na droga.

“Talagang balik na sila dahil wala na si Presidente Duterte. Wala na ang kinatatakutan nila,” pahayag ni Dela Rosa.

Nanawagan si Senador dela Rosa sa pamahalaan na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga habang naghayag ng pagkadismaya sa pagbabalik ng mga drug syndicates.

Sa kanyang privilege speech, araw ng Lunes ay inilahad ni Dela Rosa na totoong nagbabalik na ang drug syndicates at dala nila sa kanilang pagbabalik ay paghihiganti.

Iniisa-isa rin ni Bato ang mga nakumpiskang droga, kabilang ang 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon na nakumpiska sa lungsod ng Maynila.

Kabilang sa arestado sa drug operation sa buwan ng Oktubre ay si Master Sargeant Rodolfo Mayo Jr. na isang Intelligence officer mula sa PNP Drug Enforcement Group.

Ngunit sa isang interview, araw ng Martes ay sinabi ni Sen. Bato na naniniwala siyang si Mayo ay bahagi lamang ng isang mas malaking sindikato.

“For me, ganun kalaki na para kang gumagawa ng drug empire, 6.7 billion worth of shabu 990 kilos, I don’t think kaya ‘yan ng isang police master sargeant lang. Marami pang kasama yan, I expect PNP can dig deeper into this and make arrest kung sila ay seryoso talaga,” ayon sa senador.

Dahil dito, ikinababahala ni Bato ang worst case scenario na maging isang narco state ang Pilipinas.

“Muntik na tayong naging narco state. ‘Yung ibang lugar na drug lord na ang nagdidikta kung sino ang mananalo sa eleksyon. That is tantamount to becoming a narco state,” ani Bato.

Kaugnay nito ay pinayuhan naman ng senador ang Philippine National Police (PNP) na linisin ang kanilang hanay mula sa mga abusadong pulis patikular na ang mga police scalawag at ninja cops o ang mga pulis na nauugnay sa illegal drug trade.

“I dont want to dictate on them pero alamin nila ‘yan. Kapag hindi mo hinigpitan ang renda sa mga tao mo, lalo na anti-drug unit malakas ang tentasyon dyan kaya dapat malakas ang hawak dyan sa mga tao mo. Dahil it will reflect on you,” dagdag ng senador.

Kaugnay nito ay nagpahayag naman si Sen. Bato na handa siyang maglunsad ng imbestigasyon sa Senado kaugnay sa mga tinatawag na ninja cops.

Follow SMNI News on Twitter