MAYROONG naging pahayag si Pastor Apollo C. Quiboloy sa mga mambabatas na nagtapyas sa pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Ano ba talaga kayo? Ano ba talaga ang inyong pakay? Pinangangalagaan ninyo ang inyong mga political career o ang pamahalaan at ang bayang Pilipinas ang inyong ipinagtatanggol? Sino ang ipinagtatanggol ninyo, bakit naging congressman kayo? Bakit naging kinatawan kayo ng gobyerno at ng ating bansang Pilipinas? Ano ba talaga kayo? Ano ba talaga ang pulso ninyo?” pahayag ni Pastor Apollo.
Ito ang maaanghang na patutsada ni Pastor Apollo sa mga mambabatas na tumapyas sa 2023 proposed budget para sa NTF-ELCAC.
Matatandaang sa naging Bicameral Conference Committee Meeting noong Biyernes ay binawasan ng Kamara ng P5-billion ang NTF-ELCAC budget sa susunod na taon mula sa P10-billion na naunang proposal ng Department of Budget and Management (DBM).
Lubos naman itong ikinadismaya ni Pastor Apollo dahil aniya, ang NTF-ELCAC ang susi sa pagsugpo ng insurhensya at malaki ang naitutulong nito sa mga liblib na lugar.
“Sa pagkaltas ninyo sa budget ng NTF-ELCAC, ibig sabihin pinalalakas na naman ninyo ang samahan ng CPP-NPA-NDF sa kanayunan, sa kabundukan upang magtiis na naman kami doon,” ayon pa kay Pastor Apollo.
Giit pa ng butihing Pastor, hindi karapat-dapat sa pwesto ang mga mambabatas na nagtapyas sa pondo.
“Hindi dapat kayo nasa pwestong ‘yan kase hindi kayo karapat-dapat kase hindi nyo mahal ang Pilipinas. Hindi nyo mahal itong mga nasa liblib na lugar na inaabuso ng NPA,” dagdag pa ni Pastor Apollo.
“Mga elite kayo, hindi kayo para sa pobre, hindi kayo para sa mga naghihikahos, hindi kayo para sa mga mahihirap. Mga elite kayo,” aniya pa.
Sa kabila nito, natuwa naman si Pastor Apollo sa ilang senador tulad ni Sen. Bato dela Rosa na inilalaban ang dagdag na pondo ng NTF ELCAC.