Mga motorista, natuto na kasunod ng mas mataas na multa ng bus lane ordinance—MMDA

Mga motorista, natuto na kasunod ng mas mataas na multa ng bus lane ordinance—MMDA

MALAKI ang ibinaba ng bilang ng mga nahuhuling motorista na ilegal na dumadaan sa EDSA bus lane nitong Lunes ng rush hours.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nasa higit 20 motorista lang ang kanilang nahuli kumpara sa higit 60 ng mga nakaraang araw.

Sabi ni MMDA Asec. David Angelo Vargas, natuto na ang mga motorista.

“Dalawang beses tayong pumasok sa bus lane from Northbound to Southbound parehas. Around tatlong sasakyan tayo. At mabagal tayong pumasok sa buslane. Walang motoristang sumunod sa likod natin. Dalawang beses po nating ginawa iyan ng umaga. At nakakatuwa na unti-uting natuto ang ating mg motorista dito sa batas trapiko sa Metro Manila,” pahayag ni Asec. David Angelo Vargas, Asst. General Manager for Operations, MMDA.

Paliwanag ni Vargas na isa sa mga dahilan kaya natuto na ang mga motorista ay dahil sa kada araw na operasyon ng MMDA.

Epektibo rin aniya ang mas mataas na multang ipinapataw laban sa mga lumalabag sa bus lane ordinance.

“Mabigat na sa bulsa ‘yung fines natin. Siguradong mararamdaman kung ikaw ay nagviolate ng traffic violations,” dagdag ni Vargas.

Motorista, pinaaalalahanan ng MMDA na huwag nang makipagsiksikan sa Christmas rush hour

Samantala, kasabay ng inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada ngayong holiday season, may paalala ang MMDA sa mga motorista.

“Huwag niyo nang sabayan ‘yung Christmas rush natin. Kung kaya niyong mamili ng mas maaga, please do so. Pagsabay-sabayin niyo na po ‘yung lakad ninyo dahil we’re expecting 20% increase this Christmas season ng volume ng traffic,” dagdag ni Vargas.

Mas paiigtingin naman ng MMDA ang kanilang operasyon sa Mabuhay lanes laban sa mga nag-illegal parking.

Nagsisilbing alternatibong ruta ang Mabuhay lanes para sa mga motoristang ayaw makipagsiksikan sa mabigat na trapiko sa EDSA.

 

Follow SMNI News on Rumble