SA darating na buwan ng Disyembre, mag-aanim na taon na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ay nabuo noong taong 2018 sa ilalim ng Executive Order No. 70, na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Layunin ng NTF-ELCAC na tapusin ang salot na komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF na nagdadala ng kaguluhan sa bansa sa pamamagitan ng pagtutok sa mga isyu tulad ng kahirapan at kakulangan sa mga serbisyo, pati na rin ang pagpapalakas ng mga hakbang sa seguridad.
Ang layunin na ito ay sinuportahan ni Senatorial aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy ang NTF-ELCAC at naglaan ng TV program na pinamagatang “Laban Kasama ang Bayan” na kung saan tatlong oras sa isang araw tinatalakay ang mga pangunahing isyu na kinakaharap ng ating bansa at nagsilbi ring daan ang naturang programa upang mabigyan ng boses ang ating mga kababayang katutubo na kabilang din sa nililinlang ng mga rebelde.
Kaya naman binigyan ng pagkilala ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang SMNI dahil sa kontribusyon at suporta nito sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan kontra insurhensiya.
“Nandito po kayo ngayon you are all here hindi po by chance talagang you were selected for this award,” wika ni Dr. Joel Sy Egco, Spokesperson, Head Media Bureau, NTF-ELCAC.
Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. malaki ang kanilang pasasalamat na katuwang nila ang SMNI at ibang media entities sa pagbibigay ng tama at mahahalagang impormasyon upang labanan ang maling idelohiya at pigilan ang ilegal na pangre-recruit ng komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF lalo na sa mga kabataan.
“Binigyan natin ng recognition ‘yong mga partners natin don sa ating information awareness campaign kasama na ang iba’t ibang mga media outfits like SMNI, ABS-CBN, PNA at ‘yong ibang mga partners natin napaka-importante ng kanilang contribution in making general public aware of deceptive ways and scheme of terror groomers particularly the operators of the CPP-NPA-NDF,” saad ni Usec. Ernesto Torres, Jr., Executive Director, NTF-ELCAC.
Prangkisa ng SMNI dapat nang ibalik—Former Chief Legal Counsel
Ngunit para sa dating Chief Legal Presidential Counsel ng dating administrasyon na si Atty. Salvador Panelo kung tunay nga na kinikilala ng kasalukuyang administrasyon ang mga nagawa ng SMNI kontra komunistang grupo ay dapat ibalik na ang prangkisa nito.
“Pero alam mo ‘yang pagkilalang ‘yan that’s an empty-handed compliment kasi ‘yon nga ang naging dahilan na pinasara nila ang SMNI, kung totoo ang pagkilala nila dapat ibalik nila ang prangkisa di ba? Kaya’t natanggal sa free radio TV because of that pagkatapos ngayon kinikilala nila eh ibalik nila, yon ang tunay na pagkilala sa ginawa ng SMNI,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Legal Counsel.
Kung matatandaan, pinagtulungan ng mga mambabatas ng 19th Congress ang SMNI upang agad itong maipasara matapos na tanungin ng mga anchors ng programang “Laban Kasama ang Bayan” kung nasaan napupunta ang pera ng taong bayan.
Sa kabila nito, aminado naman ang batikang abogado na nakita ng buong sambayanang Pilipino kung papaano tinulungan ng SMNI ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon upang matapos ang insurhensiya at ang armadong pakikibaka ng mga rebelde.
“Ang taong bayan sa buong Pilipinas at buong mundo ay testigo sa ginawa ng SMNI na pakikipagbaka natin sa mga rebeldeng komunistang teroristang grupo,” giit ni Panelo.