NAABUTAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tinitirhan ni Mang Teodoro na nakaharang sa sidewalk sa kahabaan ng Honorio Lopez Boulevard sa Tondo, Maynila.
Aniya napilitan lang siya na manirahan sa may bangketa na utos na rin aniya ng barangay.
Iyan ay matapos idemolish ang kaniyang bahay.
“Sumunod lang po kami sa utos nila. Sabi nila demolish muna kayo pansamantala. Diyan muna kayo sa bangketa habang hinihintay ‘yung financial at relocation,” saad ni Tedoro Yuson, Residente.
Bagama’t naiintindihan ng MMDA ang sitwasyon ni Mang Teodoro ay wala silang magawa kundi baklasin ang tinitirhan nito.
Iyan ay kasunod ng mga reklamong natatanggap ng ahensiya.
“Humanitarian wise, naintindihan natin sila. But then again hindi naman natin iyan pwede payagan dahil sinakop po ‘yung buong bangketa pati po ‘yung kalsada,” wika ni Gabriel Go, Head, MMDA Special Operations Group.
Iginiit ni Gabriel Go ng MMDA Special Operations Group na ilang beses na nilang binabalik-balikan ang Honorio Lopez Boulevard dahil sa paulit-ulit at hindi mawala-walang ilegal na mga nakahambalang sa bangketa at kalsada.
Bukod sa mga tirahan, pinagkakalas din ang iba pang nakaharang sa sidewalk gaya na lamang ng mga kariton at ilang tindahan tulad ng mga puwesto ng karinderya at mga nagbebenta ng daing.
“Ang naapektuhan dito ay ang mga pedestrian natin kasi first and foremost the sidewalk was built to be used as safe passage sa mga pedestrian. Kung ito ay may extension let’s say ng mga negosyo, extension ng mga karinderia, even a mere garden nahahambalang po ‘yung passage ng ating mga kababayan,” ani Go.
Hinatak din ang mga sasakyan na ilegal na nakaparada sa kahabaan ng Honorio Lopez Boulevard.
Sapul din sa operasyon ng MMDA ang trailer trucks at delivery vans na ayon sa ahensiya ay matagal nang nakatiwangwang sa nasabing kalsada.
“It’s very crucial for this boulevard to be cleared because dinadaanan ito ng mga malalaking truck, mga commodities. So pagdating po ng rush hours nagkakaroon dito ng traffic congestion. That’s why we’re here,” aniya.
Hindi naman nakaligtas sa operasyon ang mga nagmomotorsiklo na walang helmet at mga naka-tsinelas lang.