ISA-isa nang pinangalanan ng mga awtoridad ang mga suspek sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo na nakunan ng CCTV camera.
Isang buwan na ang nakalipas nang pagbabarilin ng mga armado at nasawi si Negros Oriental Gov. Degamo sa loob mismo ng kaniyang bahay.
Ang development ngayon ay halos kumpleto na ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad kasunod ng pagkahuli ng mga suspek maging ng umano’y mastermind ng krimen.
Palaisipan noong una sa mga awtoridad kung sino-sino ang mga armadong lalaking ito na pumasok sa bahay ni Gov. Degamo sa bayan ng Pamplona na namaril at nakapatay sa gobernador at 8 iba pa.
Sa press conference sa Kampo Krame, araw ng Lunes, isa-isang inilatag sa harap ng media ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, Jr. ang mga pagkakakilanlan ng mga suspek sa pagpaslang kay Degamo.
Ang mga armadong lalaki na tinutukoy ni Sec. Abalos ay kinilalang sina Marvin Miranda, Osmundo Rivero, Joven Javier, Joric Labrador, Benjie Rodriguez, Winrich Isturis, Rogelio Antipolo Jr, Gonyon Eulogio Jr, John Louie Gonyon, Romel Pattaguan, at Dahniel Lora.
Makikita sa footage na unang bumaba ng sasakyan sa harap ng bahay ni Gov. Degamo sina Javier, Rivero, at Gonyon.
“Yan ang bumaba, yan po ang mga bumaba sa sasakyan,” sabi ni Sec. Benhur Abalos, DILG.
At sinundan naman ito ng iba pang mga armadong kalalakihan na naka-uniporme.
Sa ginawang imbestigasyon ay nakilala ng mga awtoridad kung sino ang mga nagpaputok at bumaril sa mga walang kalaban-laban na biktima.
Si Rivero ang harap-harapang bumaril sa guwardiya, habang ang mga naka-uniporme na nagpaputok din ay sina Javier, Rodriguez, Isturis, at Gonyon.
“Ayan po lahat po ito ay accounted,” aniya.
Nasampahan na ng kasong multiple murder ang 11 suspek sa pagpaslang kay Gov. Degamo at sinabi ng mga awtoridad na politika ang motibo sa pagpatay sa gobernador.