Mga napagtagumpayan ng OVP sa 2023, ibinahagi ni VP Duterte

Mga napagtagumpayan ng OVP sa 2023, ibinahagi ni VP Duterte

IBINAHAGI ni Vice President Sara Duterte sa isang video message nitong Lunes ang mga programa at proyektong naisakatuparan ng kaniyang tanggapan sa pagtatapos ng taong 2023.

Sabi ni Vice President Duterte, 10 mga programa at mga proyekto na ang kanilang ipinatupad sa Office of the Vice President (OVP).

Kabilang dito ang Medical Assistance Program, Burial Assistance Program, Mag Negosyo Ta ‘Day, Pagbabago: A Million Learners and Trees, PanSarap, Kalusugan Food Truck, Disaster Operations Center, Relief for Individuals in Crisis and Emergencies, You Can Be VP, at Libreng Sakay.

“Sa inyo nanggagaling ang aming lakas, ang aming katatagan, at ng aming tapang na harapin ang mga hamon na mabigyan kayo ng mahusay at makabuluhang serbisyo,” pahayag ni Vice President Sara Duterte, Republic of the Philippines.

Mula Hulyo 2022 hanggang Oktubre 2023, umabot na sa 106,958 indibidwal ang nabigyan ng medical assistance na katumbas ng lampas P1.2-B habang nasa 22,470 na mga pamilya naman ang natulungan ng Burial Assistance Program na katumbas ng P130.3-M.

Sa Libreng Sakay Program naman na inilunsad sa Metro Manila, Bacolod, Davao, at Cebu, umabot sa mahigit 622,000 na commuters ang naserbisyuhan.

Sa panahon naman ng kalamidad at sakuna, umabot sa higit 115,000 na mga pamilya ang natulungan ng Disaster Operations Center.

Katumbas ng P69.1-M ang naibahaging relief boxes, food bags at iba pang relief items ang naipamahagi ng OVP.

Lampas 64,000 na PagbaBAGo bags na may lamang school supplies at dental kits naman ang naipamahagi ng OVP habang higit 178,100 na puno na rin ang kanilang naitanim na bahagi ng programang PagbaBAGo: A Million Learners and Trees Campaign.

Sa kanilang Relief for Individuals in Crisis and Emergency (RICE) Program, nakapagbigay ang OVP ng higit 8,400 rice boxes.

Sa Mag-Negosyo Ta ‘Day Program, apat na grupo na may pinagsamang mahigit 25,700 members ang nakatanggap ng mga tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P150-K na kapital bawat grupo.

Binigyang-diin ni Vice President Duterte na ang kanilang napagtagumpayan ay tagumpay ng bawat Pilipino.

“Mga kababayan, ang tagumpay ng Office of the Vice President ay tagumpay ng bawat Pilipino. Kayo ang aming inspirasyon upang patuloy na maging mabuti at epektibong lingkod bayan,” dagdag ni VP Duterte.

Sa huli tiniyak ng pangalawang pangulo na makakaasa ang publiko na laging nakahanda ang kaniyang tanggapan tumulong at magbigay serbisyo.

“Makakaasa po kayo na ako at ang buong Office of the Vice President ay laging nakahandang magbigay sa inyo ng mahusay, epektibo, at makabuluhang programa, proyekto, at serbisyo,” aniya.

Follow SMNI NEWS on Twitter