Mga pulis na nag-o-operate ng kolorum na sasakyan, binalaan ng DILG; PNP, pumalag din

Mga pulis na nag-o-operate ng kolorum na sasakyan, binalaan ng DILG; PNP, pumalag din

BINALAAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga miyembro ng kapulisan na nag-o-operate ng mga kolorum na sasakyan.

Ito’y matapos na selyuhan ang pagsasanib puwersa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para supilin ang pamamayagpag ng mga kolorum na sasakyan sa mga lansangan.

Ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos Jr. may kalalagyan ang sinumang mahuling lalabag dito lalo na kung miyembro ng PNP bilang sila dapat ang unang tumutupad sa batas.

Sa panig naman ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, alam na aniya ng kaniyang mga kasamahan ang magiging kapalaran sakaling mapatunayang sangkot sila sa mga ilegal na aktibidad.

Nabatid na una nang sinabi ng mga tsuper at operator na nasa 35% ang nawawala sa kanilang kita dahil sa mga kolorum.

Pero sa ngayon, wala pa namang rekord ang PNP kaugnay sa mga tauhan nitong lumabag sa ilegal na operasyon ng mga kolorum na sasakyan.

Sa kabilang banda, mayroon na lamang hanggang Abril 30 ang mga PUV operator para i-consolidate ang kanilang mga prangkisa.

Kung hindi, ituturing na kolorum ang kanilang sasakyan oras na pumasada pa rin ang mga ito pagkatapos ng deadline.

Batay sa record ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, 190,000 units ng PUVs ang sumama sa consolidation kabilang na rito ang mga UV express, PUJ, mini-buses at mga bus.

Samantala, iginiit ng DILG, PNP, at MMDA, na magsilbing babala sa mga pulis maging sa iba pang uniformed personnel ang mga parusang kakaharapin sakaling mapatunayang sangkot nga sila sa operasyon ng mga kolorum sa lansangan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble