Mga pulis na nakuhanang umiiyak habang inaaresto si FPRRD nagpupunas lang ng pawis—PNP Spox

Mga pulis na nakuhanang umiiyak habang inaaresto si FPRRD nagpupunas lang ng pawis—PNP Spox

HINDI luha kundi pawis ang nakitang tumutulo sa mukha ng ilang pulis sa gitna ng ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Villamor Air Base, Pasay City, nitong Martes, Marso 11, 2025.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, kasunod ng pagkalat ng mga larawan at video na nagpapakita ng pagluha ng mga tauhan ng PNP sa naturang operasyon.

Giit ni Fajardo, mainit ang panahon noon.

At dahil sa makapal ang uniporme ng mga miyembro ng Special Action Force (SAF), kinailangan nilang magpunas ng pawis.

Aniya pa, matindi rin ang tensiyon sa pagitan ng mga awtoridad at kampo ni dating Pangulong Duterte habang isinasagawa ang pag-aresto, kaya natural lang na maglabas ng emosyon ang ilan.

Sa kuhang video ni retired General Filmore Escobal, makikita ang isang babaeng SAF member na dalawang beses nagpunas ng mukha—pinaniniwalaang lumuluha bilang pakikisimpatiya sa Commander-in-Chief nila noon na si dating Pangulong Duterte.

“You can believe whatever you want to believe. We were there. Sabi ko nga, ang taas ng tensiyon doon, ang init, ang daming tao. Imagine ninyo ‘yung mga suot ng mga pulis natin—naka-camouflage, naka-lousy cap—grabe ang pawis! Ako nga, nagpalit pa ako ng damit! So, kausap ko po ‘yung director ng SAF. I don’t want to discredit ‘yung napost, pero ang pagpupunas po ng pawis ay pinapalabas lang na parang lumuluha ang mga pulis natin,” pahayag ni PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP

Mga tauhan ng PNP, pinaalalahanang labag sa polisiya nila ang magpahayag ng sentimiyento laban sa pamahalaan

Sa kabila ng pahayag ng PNP na pawis lamang ang nakita sa mukha ng kanilang mga tauhan, makikita sa lumabas na video na may mga pulis na nagpahid ng kanilang mukha, na ayon sa ilang nakakita, ay tila luha habang nagaganap ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.

Bukod sa isyu ng pakikisimpatiya ng ilang pulis kay dating Pangulong Duterte, iginiit ng PNP na hindi maaaring makisawsaw sa politika ang kanilang hanay alinsunod sa mahigpit nilang patakaran.

Bagama’t kinikilala ng PNP ang pagkakaiba-iba ng pananaw ng kanilang mga tauhan, mariin nilang ipinagbabawal ang anumang pampublikong pagpapahayag ng hinaing laban sa gobyerno.

Sa kabila ng usaping ito, nilinaw rin ng PNP na wala pa silang natatanggap na anumang aplikasyon ng pagbibitiw mula sa kanilang hanay matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.

Bagamat patuloy nilang iniimbestigahan ang mga social media accounts na diumano’y nagpapahayag ng diskuntento sa PNP, tiniyak nila na wala anilang opisyal na nag-resign mula sa kanilang hanay.

Samantala, bagamat wala pang natatanggap na pormal na aplikasyon ng pagbibitiw mula sa kanilang hanay, inaalam na ng Anti-Cybercrime Group ang mga social media account na naglabas ng pahayag kaugnay sa insidente.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble