Mga residenteng apektado ng demolisyon sa Boracay, humihingi ng tulong sa pamahalaan

Mga residenteng apektado ng demolisyon sa Boracay, humihingi ng tulong sa pamahalaan

HUMIHINGI ng tulong sa pamahalaan ang maraming residente sa Brgy. Manoc-Manoc sa Isla ng Boracay kaugnay sa nagpapatuloy na rehabilitasyon sa isla.

Giit nila, hanggang ngayon wala pang linaw kung saan sila ililipat.

Isa ang Brgy. Manoc-Manoc sa 3 barangay na apektado ng demolisyon sa nagpapatuloy na Boracay Rehabilitation Program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Para sa mahigit 30 pamilya sa barangay, mahirap sa kanilang umalis sa kanilang tinitirahan gayong mula pa sa kanilang mga ninuno ay nagsimula na silang nagpatayo ng istruktura sa Boracay bago pa man ito lumaki at naging sentro ng atraksiyon at itinuring na isa sa pinakamagandang lugar sa mundo.

Kaugnay dito, patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga pamilyang binibigyan ng show cause order upang tuluyan nang bakantehin ang kanilang mga lupain na sinasabing pag-aari ng pamahalaan upang bigyang daan ang pagsasaayos sa buong isla.

Napag-alaman na ang naturang mga residente ng Brgy. ManocManoc ay bahagi ng declared protected zone o sa isla na kailangang sumailalim sa rehabilitasyon.

Bagama’t naiintindihan ng mga residente ang plano ng pamahalaan sa Boracay, tanging hiling ng mga ito ay huwag silang pabayaan o alisan ng hanapbuhay, at kung maaari manatili pa rin sila sa isla.

Matatandaang, nagpasimula ang demolisyon sa mga iligal na istruktura sa Boracay Island noong 2018 hanggang sa unti-unti nga itong bumalik sa orihinal na ganda nang maisaayos ito ng pamahalaan.

Follow SMNI News on Twitter