MULI na namang nagpaalala ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga manlalakbay na pumapasok sa Pilipinas galing ibang bansa kaugnay sa kanilang mga dala-dalang mga bagahe.
Kinumpirma ng MIAA na unang may mga pananagutan sa mga bagahe ng mga pasahero ay ang airline companies.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay MIAA Spokesperson Connie Bungag, sinabi nito na hindi dapat maging padalos-dalos sa mga pagbibintang pagdating sa mga nawawalang bagahe ng mga pasahero.
Ayon pa kay Bungag, kung mayroon man naging problema sa mga luggage ng mga dumarating na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hindi ang mga tauhan sa paliparan ang dapat sisihin kundi agad makipag-ugnayan sa mga pamunuan ng airlines kung saang eroplano sila sumakay at nanggaling.
Ang naging pahayag ni Bungag ay kasunod sa nag-trending na post sa isang social media ni Anne Stanton.
Sa post sinabi ni Anne Stanton bago sila nakaalis galing Florida, USA ay may siyam silang luggage na check-in.
Mula Florida, USA sakay ng American Airlines at pagdating sa Qatar lumipat naman sila ng eroplano sakay ng Qatar Airways.
Ngunit sa kasawiang palad pagdating nila ng NAIA walang bagahe ni isang dumating na kasama nila.
Ang mahabang biyahe nila na 28 oras ay umabot ng 35 oras sa pag-asang madadala nila ang kanilang bagahe.
Nag-check in sila sa hotel sa Manila na wala ni isang dalang gamit sa halip bumili na lang sila ng damit sa isang mall.
Dalawang araw ang nakalipas nang manatili sila sa hotel ay tinawagan sila ng Qatar Airways at sinabi sa kanila na natagpuan na ang kanilang walong bagahe.
Sa walong luggage isa dito ay sira na ang gulong at ang TSA locks ay binuksan at pinalitan.
Ayon pa kay Stanton kahit natagpuan na nila ang 8 bagahe ay masakit pa rin sa kanila na nawawala ang isa pa nilang bagahe.
Sa SMNI News sinabi ni Stanton na aabot sa $5,000 hanggang $7,000 o katumbas ng halos P400,000 ang halaga ng nilalaman ng nawawalang bagahe na puro pasalubong sa kanilang mga kamag-anak sa Pinas.
“We have so much valuable items in that bag and we have some missing items from the bags found too but not as much as that missing one,” ani Stanton.
At kahit noong panahon yaong dumating sila sa NAIA noong Hulyo 9 ay hindi na rin mapakali maging ang kanilang sampung taon na anak sa nangyari.
“My husband Richard Stanton and my 10 year old son Dixon Stanton whom is also aware and very matured and can say too of what’s happening at the airport the moment we got panicked of our missing luggage the 9 luggage,” ayon pa ni Stanton.
Samantala, paalala naman ng MIAA kung mayroon mang mahahalagang nilalaman sa bagahe bagay na ideklara ito sa airlines company.
Naniniwala rin naman ang MIAA na ang naging karanasan ng pamilyang Stanton ay hindi mismo nangyari sa NAIA.
Simula nang tumanggap ng maraming batikos ang MIAA hinggil sa pagbubukas umano ng mga bagahe ng mga pasahero ay naglagay na sila ng CCTV na makikita sa carousel ang TV kung saan live na mapapanood ang sitwasyon ng bagahe.
Ayon din sa pamilyang Stanton hanggang ngayon hindi pa rin nakikita ang isa pang nawawalang bagahe.