MIAA, nakapag-remit ng mataas na dividend sa national government

INANUNSYO ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nag-remit na ito ng P13.9 billion na dividend  sa national government para sa taong 2016 hanggang 2019.

Ayon sa MIAA, ang pagbabayad ng dividend sa nabanggit na taon ay nalampasan pa ang total remittances nito sa nakalipas na dalawampung taon bago ang Duterte Administration.

Nabatid ang eksaktong comparative figure na na-remit ng MIAA na noong 1996 hanggang 2015 ay umabot sa kabuuang P11,149,527,394.99 habang ang taong 2016 hanggang taong 2019 ay umabot naman ito sa kabuuang P13,900,904,299.33

Nagawa naman ng MIAA ang record-breaking fiscal performance para sa taong 2018 nang mag-remit ito ng P3.42 billion sa national government.

Ang pagbayad ng dividend para sa taong 2018  sa national treasury ay ang pinakamataas sa kasaysayan ng MIAA, na lumampas ng higit sa 50% ng remittance ng 2017 na noon ay ang pinakamataas na naitalang pagbabayad ng dividend sa  huling dalawang dekada.

Ang MIAA ay inatasan na mag remit ng hindi bababa sa 50% na taunang net income sa national government matapos pinagkalooban ito ng fiscal autonomy dalawang dekada na ang nakalilipas.

Sa ulat na ito ay pinapatunayan lamang ng Department of Transportation (DOTr) na  simula nang manungkulan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2016, ang dividend payment ng MIAA ay tumaas.

Ayon din sa MIAA dahil sa patuloy na lumalakas ang fiscal performance, lalo namang pinagtibay ng MIAA ang posisyon nito sa “Billionaire’s Club,” isang elite circle ng Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na nag-aambag ng bilyun-bilyong piso ng dividend sa national government.

Dahil dito, muling hinihimok ni MIAA General Manager Ed Monreal, ang mga kawani ng MIAA na naglilingkod sa pangunahing gateway ng bansa na ipagpatuloy ang pagsisikap upang mapabuti ang fiscal management nang sa gayon ay matiyak ang epektibo at mahusay na paghahatid ng mga serbisyo ng paliparan sa NAIA.

Ang pagtaas ng kita ng MIAA ay dahil sa increase o pagdami ng bilang ng mga flights at pasahero, pagpapataw ng parking rates sa terminal pati na rin ang pagbubukas ng mga karagdagang parking area sa mga nakalipas na taon bago pa nangyari ang pandemya.

(BASAHIN: Ekonomiya ng Pilipinas bumubuti —DOF)

SMNI NEWS