NASA loob pa rin ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang China Coast Guard (CCG) vessel 5901 na binansagang ‘monster ship’ na unang naispatang naglalayag malapit sa Zambales noong Sabado, Enero 4, 2025.
Ayon kay National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, hindi nila ito pinapabayaan lang. Sa katunayan, patuloy na minamanmanan at sinusundan ang naturang Chinese vessel malapit sa bahagi ng Luzon.
Sa ngayon, nandoon pa rin ang BRP Cabra na siyang nagbabantay o sinusundan ang 5901 sa anumang galaw nito.
Naroon din ang aircraft ng Pilipinas at iba pang assets mula sa Northern Luzon Command at National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS).
Tuloy-tuloy naman ang ginagawang radio challenge ng Pilipinas at sinisigurong walang ginagawang masama ang nasabing monster ship sa loob ng EEZ ng bansa.
“Kasi ang sinasabi nitong Chinese Coast Guard ay they are conducting a patrol within their area, ang sinasabi, within their jurisdiction na wala naman pong bansa na sumusuporta dito; hindi naman ito nakasaad sa international law. Kaya pinapaliwanagan din natin sila – nagkakaroon ng sagutan ‘no, nagsasalita iyong Chinese Coast Guard, nagsasalita din iyong ating Philippine Coast Guard,” pahayag ni Director General Jonathan Malaya, National Security Council (NSC) Assistant.
Sinabi ni Malaya na ang presensiya ng monster ship na ito ay maituturing umano na parte ng intimidation, aggression, coercion, deception na ginagawa ng China.
Bilang tugon, paiigtingin pa aniya ng Pilipinas ang presensiya ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa lugar.
Tiniyak naman ng NSC ang patuloy na suporta ng PCG at BFAR sa mga mangingisda.
Sa kabila nito, inihayag ni ADG Malaya na wala namang ginagawang mga pagharang o anumang dangerous maneuvers ang naturang Chinese vessel, bagkus, ito’y tumatakbo lamang.
“And ito namang monster ship ay wala namang ginagawang blocking or anything dangerous maneuvers. Ito ay tumatakbo lang naman ito, at given na we don’t want to be the precursor of any provocative action, as of now ang ginagawa natin ay minamanmanan natin ito at sina-shadow natin,” dagdag ni Malaya.
Ibinahagi ni Malaya na ang lubos na naaapektuhan sa mga ganitong pangyayari ay ang mga mangingisda.
Kaya naman ang NSC, nagsasagawa ng Fishermen’s Congress sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng Palawan at Zambales.
“At kinausap namin iyong ating mga mangingisda diyan at pinaliwanagan namin sila na base sa batas, iyan ay dagat ng Pilipinas, pasok sa ating exclusive economic zone, at dapat patuloy silang mangisda,” aniya.