DINAGSA ng mga residente at turista ang unang araw ng muling pagbubukas ng flower show sa Victoria Park sa Hong Kong.
“Bliss in bloom” ito ang pangunahing tema ng flower show ngayong taon na sinimulan nang buksan sa publiko kahapon Marso 10 hanggang sa 19.
Tinatayang aabot sa 400,000 na mga bulaklak at humigit kumulang sa 40,000 na hydrangea flower na siyang flower theme sa taong ito ang ipinakita sa palabas na binansagang makulay na wonderland para sa publiko.
Pangunahing atraksyon sa flower show ang agaw eksenang three dimensional hydrangea flower wall at garden na binubuo ng higanteng modelo ng hydrangea flowers na pinapagitnaan ng iba’t ibang klaseng halaman na siyang nagpapalutang sa angking ganda nito.
Sa kahabaan ng showground makikita ang malalaking flower plot at installations na may temang dinisenyo na akma sa apat na season.
Patok naman para sa publiko at photographers ang picturisque view ng nakahilerang makukulay at nagagandahang tulips.
Tampok din ang foxglove flower sea na isa rin sa sikat na atraksyon sa flower show.
Isa din sa highlight ng event ang music at light show tuwing sasapit ang 7:00 hanggang 8:00 ng gabi.
Samantala, aabot sa 225 na organisyasyon kabilang ang 72 exhibitors mula sa 10 bansa, gaya ng China, Japan, Indonesia, Korea, Oman, Pakistan, Singapore, Thailand, Vietnam at Pilipinas ang lumahok sa event.
Layunin ng flower show ngayong taon ang patuloy na pagsusulong ng iba’t ibang environmental friendly at waste reduction measures na naghihikayat sa mga organisasyon, volunteers at publiko na ipatupad ang prinsipyo ng 3R’s reduce, reuse, recycle upang makamit ang “green flower show for all.”
Ang flower show ay tatakbo mula 9am – 9pm araw araw.
At may entrance fee gamit lamang ang octopus card sa halagang 14HKD sa mga nakakatanda at 7HKD naman para sa mga bata.