SANG-ayon ang Department of Trade and Industry o DTI sa ideya na dahan-dahang pagluluwag ng age restriction na maaaring lumabas ng kanilang tahanan.
Una nang binanggit ni Acting Secretary Karl Kendrick Chua ng National Economic and Development Authority o NEDA, na mananatili pa ring mababa ang consumer demand kapag hindi pa rin papayagan ang paglabas ng mga menor de edad at pahintulutan ang family activities.
Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na ang unti-unting pagpayag sa mga menor de edad na lumabas ng bahay kasama ang kanilang pamilya ay makatutulong sa recovery ng ekonomiya ng bansa.
Giit ng Trade secretary, ang limitadong galaw ng mga tao ay patuloy na nag-a-antala ng recovery ng mga negosyo.
Mungkahi ni Lopez, maaaring babaan sa sampung taong gulang ang pahihintulutang lumabas ng bahay gayong nakasusunod na rin sa health protocols ang ganitong edad.
Tiwala naman si Lopez na kasabay ng mungkahing pagluluwag ng restriksyon, ay maipatutupad din ang mahigpit na pagsunod sa health at safety protocols lalo na kapag nasa labas ng bahay.
Sa pananaw ng DTI para sa 2021, kung ikumpara noong 2020, ani Lopez, hindi mahirap na mas gaganda pa ang takbo ng ekonomiya ngayong taon dahil marami na rin ang nakaka-recover bunsod ng unti unting pagbubukas ng mga negosyo at industriya.