Nag-iisang bidder para sa automated election sa 2025, ‘ineligible’—COMELEC

Nag-iisang bidder para sa automated election sa 2025, ‘ineligible’—COMELEC

NAGDEKLARA ng unang failure of bidding ang Commission on Elections (COMELEC) Special Bids and Awards Committee-Automated Elections System (SBAC-AES).

Ito’y dahil sa idineklarang ‘ineligible’ ang nag-iisang bidder ng komisyon para sa lease ng FASTrAC na gagamitin sa 2025 national and local elections.

Sa opisyal na pahayag ng COMELEC, nakatanggap ng bid proposal ang SBAC-AES mula sa joint venture ng Miru Systems Co. Ltd., Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies, Inc o ang Miru-ICS-STCC-CPSTI Joint Venture na kaisa-isang nag-bid at nagpasa ng proposal para sa naturang procurement project.

Pero sa isinagawang pagsusuri ng komisyon sa mga dokumento ng kompanya, idineklara itong ineligible dahil sa hindi pagsunod sa mga requirements na nakasaad sa revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act.

Dahil dito, nagdeklara ang SBAC-AES ng unang failure ng competitive bidding.

Matatandaan na ang voting technology provider na Smartmatic ang diniskwalipika na ng COMELEC sa lahat ng bidding ng ahensiya.

Nagsilbi ang Smartmatic sa eleksiyon ng bansa simula noong taong 2010 hanggang noong 2022 national elections.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble