POSIBLENG manatili ang nasa 15,000 kataong lumikas mula sa kani-kanilang tahanan na malapit sa nag-alborotong Bulkang Mayon sa probinsiya ng Albay sa mga temporary shelter ng ilang buwan ayon sa mga awtoridad.
Ito’y matapos na ianunsiyo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na maaaring tumagal ng ilang buwan ang pag-alboroto ng Bulkang Mayon base na rin sa historical data nito.
Ayon sa Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), nasa 4,286 na pamilya o katumbas ng 15,241 na katao ang kasalukuyang nananatili ngayon sa mga evacuation centers.
Sinabi naman ni APSEMO-OIC, Eugene Escobar na tinitignan ng pamahalaan ng probinsiya ang posibilidad ng 90-day evacuation sa mga residente.
Umapila naman si Albay Rep. Joey Salceda para sa karagdagang tibay at tiyaga mula sa iba pang sangay ng pamahalaan na nagbibigay ng tulong at evacuation support para sa libu-libong mga apektadong residente ng Albay.