National El Niño Team, bubuo ng water conservation programs

National El Niño Team, bubuo ng water conservation programs

GAGAWA ang ‘National El Niño Team’ ng iba’t ibang programa para sa pagtitipid ng tubig na naglalayong pagaanin ang mga epekto ng nagbabadyang tagtuyot o dry spell sa bansa.

Ito ang ibinahagi ng Presidential Communications Office (PCO) base sa naging statement ng nabanggit na team kung saan bubuuin at ipatutupad ang water conservation programs sa mga tanggapan ng national government.

Idinagdag pa ng National El Niño Team na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bubuo ng water conservation programs.

Inatasan din ang ahensiya na tukuyin ang mga lugar na “geographically challenged” na mangangailangan ng karagdagang supply ng maiinom na tubig.

Binigyan din ng direktiba ang DENR kasama ang Department of Agriculture (DA) na aksyunan ang inaasahang pagbabawas ng alokasyon ng tubig para sa National Irrigation Administration (NIA) dahil sa posibleng pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.

Sa pulong pa rin ng El Niño Team, idinagdag ang Department of Science and Technology (DOST) bilang bagong miyembrong ahensiya ng technical working group ng grupo.

Binigyang-diin din ng team, na binubuo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, na gumawa ng mga hakbang upang matugunan ang mga epekto ng El Niño Phenomenon.

Naatasan ang DA na maghanda ng isang komprehensibong ulat kaugnay ng mitigation measures at interventions at makipag-ugnayan sa Philippine Rice Research Institute upang mangalap ng datos sa drought-resistant varieties at iba pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter