NANAWAGAN ang Office of Civil Defense (OCD) sa Department of Transportation (DOTr) at iba pang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan na magsagawa ng agarang imbestigasyon kaugnay sa umano’y biglaang pagtaas ng pamasahe at cargo rates ng mga biyahe patungong Eastern Visayas.
Sa opisyal na liham na ipinadala kay DOTr Secretary Vince Dizon, sinabi ni OCD Administrator Undersecretary Ariel F. Nepomuceno na posibleng dulot ng mga bagong restriksiyon sa San Juanico Bridge ang mga ulat ng pagtaas sa pamasahe at kargamento, partikular sa mga rutang patungong Tacloban, Catarman, at Ormoc City.
“We respectfully appeal to the Civil Aeronautics Board (CAB) and the Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) to immediately look into this matter and implement appropriate legal measures to thwart or regulate these purported air fare and cargo fare increases,” saad ni Usec. Ariel Nepomuceno, Office of The Civil Defense.
Ayon kay Nepomuceno, kailangang agarang kumilos ang Civil Aeronautics Board (CAB) at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang tiyakin na hindi naaabuso ang publiko sa gitna ng krisis.
Dagdag pa niya, kinakailangan ng legal na aksiyon upang mapigilan o ma-regulate ang anumang hindi makatarungang pagtaas ng pamasahe.
“We defer to your wisdom to explore additional remedies such as increasing the number of flights to airports in the region such as Ormoc, Calbayog, and Catarman, even if only during the duration of the San Juanico Bridge rehabilitation. Considering the size of these airports, runway capacity, and night-rated navigation ability, we hope other similar options could be discussed to decongest Tacloban Airport,” dagdag ni Nepomuceno.
Mungkahi rin ng OCD na dagdagan ang mga biyahe patungo sa iba pang paliparan sa rehiyon gaya ng Ormoc, Calbayog, at Catarman—kahit pansamantala lamang habang isinasagawa ang rehabilitasyon sa San Juanico Bridge.
Aniya, maaaring makatulong ito upang maibsan ang siksikan sa Tacloban Airport.
Bukod rito, nanawagan din ang OCD na pag-aralan ang posibilidad ng pagbibigay ng provisional permits at certificates of public convenience para sa pampublikong transportasyon at galaw ng kalakal.
Inaasahang makikipag-ugnayan dito ang Philippine Ports Authority, LTFRB, at MARINA.
OCD, inirerekomenda ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong Region 8
Kaugnay rito, inirekomenda rin ng OCD kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong Eastern Visayas o Region 8 dahil sa mga suliraning dulot ng load restrictions sa San Juanico Bridge.
Ang deklarasyon anila ng state of calamity ay magpapabilis sa pagpapalabas ng mahahalagang pondo at magbibigay-daan sa agarang pagsasaayos ng nasabing tulay, na mahalaga sa logistics at public service ng rehiyon.
“The sooner that we repair the San Juanico Bridge, the sooner that our commerce, supplies, and logistics will be back to normal,” pahayag ng Office of the Civil Defense.
Dahil dito, nagdeklara na rin ng state of emergency sa buong lalawigan ng Samar.
Tiniyak naman ng OCD ang kanilang pakikiisa sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang masiguro ang abot-kaya, ligtas, at maaasahang transportasyon para sa mga mamamayan ng Eastern Visayas.
Matatandaang pansamantalang isinara sa mga motorista ang ilang bahagi ng San Juanico Bridge matapos ipatupad ng DPWH ang tatlong toneladang limit sa bigat ng mga sasakyan noong Mayo 14, bunsod ng lumalalang kondisyon ng tulay.