OFW Lounge sa NAIA: Mahigit 1M OFW, nakinabang sa libreng serbisyo

OFW Lounge sa NAIA: Mahigit 1M OFW, nakinabang sa libreng serbisyo

IPINAGMAMALAKI ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang malaking tulong ng OFW Lounge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), lalo na para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na na-stranded sa paliparan.

Nagsilbi itong pansamantalang kanlungan para sa kanila habang naghihintay ng kanilang flight. Ayon kay Cacdac, umabot na 1M OFW ang nakinabang sa serbisyo ng OFW Lounge sa NAIA.

“Isang milyon na ang dumaan sa pinto at sa OFW Lounges (pinagsama sa NAIA 1 & 3),” ayon kay Atty. Hans Leo Cacdac, Secretary, DMW

Batay sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), umaabot sa mahigit 1,300 OFWs ang dumarating araw-araw sa NAIA Terminal 1, habang nasa 1,200 naman ang sa Terminal 3.

Patuloy ang pagsisikap ng DMW na mapalawak ang libreng serbisyo ng OFW Lounges, hindi lamang sa NAIA kundi pati na rin sa iba pang international airports sa Pilipinas. Kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa mga pamunuan ng iba pang paliparan upang maisakatuparan ito.

“Well, nasa future ‘yan. Nag-uusap na kami ni GM (Julius Neri, MCIAA) na Aboitiz Group along this line, at nag-usap na rin kami sa ibang international airport. Napag-usapan na rin namin ang planong ito with Sec. Vince,” pahayag ni Cacdac.

Ang OFW Lounge ay nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo para sa mga OFW, kabilang na ang komportableng upuan, charging stations, libreng Wi-Fi access, information desk, at libreng pagkain. Isa itong ligtas at maaliwalas na lugar kung saan maaaring makapagpahinga at mag-recharge ang ating mga OFW bago o pagkatapos ng kanilang paglalakbay.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter