NAIS ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mas bigyang prayoridad ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at minimum wage earners sa listahan ng mga benepisyaryo ng coronavirus disease (COVID-19) vaccines.
Ipinanukala ni Bello na ang mga OFW at minimum wage earners ay dapat na ilagay sa level 5 o 6 ng listahan imbes na 10 o 11.
Ayon kay Bello, dapat na mabigyang prayoridad ang mga OFW dahil sa ito ang ikinukunsiderang ‘modern-day heroes’ habang ang mga minimum wage earners naman ay may malaking ambag upang mapagalaw ang ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa ni Bello, naipasa na niya ang kanyang panukala sa IATF at sa ngayon ay pinag-aaralan na ito.
Base sa listahan ng IATF-EID, ang mga mauunang makatatanggap ng COVID-19 vaccines ay mga health workers, senior citizens, indigent population-uniform personnel, school workers, government workers at OFW kasunod ang iba pa.