PINANGUNAHAN ni Maan Teodoro ang pagpapasinaya at pagbubukas sa publiko ng One Town, One Product (OTOP) Pasalubong Center sa lungsod ng Marikina ngayong araw.
Tinatawag ding OTOP Hub, ang Pasalubong Center ay matatagpuan sa McDonalds Avenue sakop ng East Grandstand ng Marikina Sports Center.
Dito ibebenta ang mga produkto ng Marikina na gawa ng local footwear, bags, food and food supplement, at handicraft manufacturers.
Dumalo sa pagpapasinaya sina Department of Trade and Industry Regional Director Marcelina Alcantara, Councilor Cloyd Casimiro, Local Economic and Investment Promotions Officer Lourdes dela Paz, DTI-NCRO CITE Center Head Ferdinand Angeles, mga product manufacturers and merchants, at mga bisita mula sa industriya ng sapatos.
Ang produktong sapatos ng Marikina ang piniling One Town, One Product (OTOP) ng lungsod sa ilalim ng OTOP Hub Program para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Sa ilalim ng programa, ang sapatos ng Marikina na kilala sa mataas na kalidad ay maaari ding ibenta sa iba pang OTOP Hubs sa iba’t ibang rehiyon sa buong Pilipinas.
Sa kaniyang mensahe, ipinagmalaki ng butihing kongresista hindi lamang ang mga lokal na produkto ng lungsod kung hindi maging ang mga manggagawa ng Marikina dahil sa kanilang angking galing sa paggawa at magandang pananaw sa pagtratrabaho.
Bilang tulong at suporta ng pamahalaang lungsod ng Marikina sa local manufacturers at merchants, sila ay libre o walang babayaran sa kanilang pagpuwesto sa OTOP Hub.
Katuwang ang pamahalaang lungsod ng Marikina, ang OTOP Hub na ito sa lungsod ay proyekto ng Department of Trade and Industry at OTOP Hub Philippines.
Ito ay bukas mula 8:00 am hanggang 5:00 pm mula Lunes – Biyernes.