KINILALA ni Vice President Sara Duterte ang inisyatiba ni senatorial aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy para sa pangangalaga ng kalikasan partikular na ang programa niyang ‘One Tree, One Nation’.
Bago pa man matapos ang taong 2024, libu-libong seedlings ng iba’t ibang puno ang itinanim ng mga volunteer ng Sonshine Philippines Movement sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Bahagi ito ng ‘One Tree, One Nation’ initiative ng spiritual leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at senatorial aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy para sa isang mas luntian at matatag na Pilipinas.
Nito ring weekend, ikinasa ng SPM volunteers ang pagtatanim ng mga puno sa Sierra Madre—ang pinakamahabang bulubundukin sa bansa na nagsisilbing panangga ng Luzon mula sa mga bagyo.
Dahil diyan, nagpapasalamat si Vice President Sara Duterte sa inisyatiba ni Pastor Apollo na aniya ay napakahalaga lalo na sa panahon ngayon.
“Nagpapasalamat kami sa The Kingdom of Jesus Christ sa pamumuno ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa tree planting.”
“Napakahalaga na pangalagaan natin ang ating kalikasan. Napakahalaga na magtanim tayo ng puno dahil kailangan natin ng climate change mitigation at nakakatulong ito sa disaster risk reduction and management dahil alam naman natin na ang puno ay nagpe-prevent ng landslide at ang puno diyan nanggaling ang oxygen,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Ibinahagi rin ni VP Sara na sa Office of the Vice President (OVP) ay target din nila na makapagtanim ng isang milyong puno bago matapos ang taong 2028 sa ilalim ng programang PagbaBAGo campaign.
Binigyang halaga naman ng bise ang pagkakaisa ng lahat hindi lamang ng mga taga-KOJC at taga-OVP.
“Mahalaga ‘yung tree planting hindi lang sa inyo ng The Kingdom of Jesus Christ, ng Office of the Vice President, kundi kailangan magtulungan nating lahat mga Pilipino, lalong-lalo na ang ating bayan ay malaki ang risk niya sa disaster,” dagdag ni VP Sara.
Magdadalawang dekada na mula nang itatag ng Butihing Pastor ang Sonshine Philippines Movement (SPM) sa layong mapangalagaan ang kalikasan.
Isa nga sa Exhibit A ni Pastor Apollo ang Glory Mountain sa paanan ng Mt. Apo sa Brgy. Tamayong sa Davao City kung saan libu-libong pine trees na ang naitanim.
Bilang isang future senator, target ni Pastor Apollo na mapabuti pa ang urban green spaces sa Pilipinas.
Sa ilalim ito ng pinaplano ng Butihing Pastor na ‘Greening and Beautification Project’ bill.
Kasama rin sa isusulong ni Pastor Apollo ang pagtatanim ng mga bulaklak sa mga bulubunduking lugar sa buong bansa.