NANGAKO ang Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na paiigtingin pa ang kanilang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan sa Negros Occidental.
Ito ay matapos iulat kamakailan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nasa proseso na ito ng pagbuwag sa limang “naghihina” na New People’s Army (NPA) guerilla fronts sa nasabing lalawigan.
Bilang suporta sa mga pagsisikap na ito, pinangunahan ng Localized Peace Engagement (LPE) Cluster ng NTF-ELCAC kasama ang OPAPRU at DILG, ang isang Transformation Program planning workshop na ginawa mula Hunyo 22 hanggang 23.
Sa planning workshop, iniulat ni NTF-ELCAC executive director Undersecretary Ernesto Torres Jr. ang mga pagsisikap sa peacekeeping na isinasagawa ng task force, kasama ang matagumpay na pagbuwag sa limang guerilla fronts sa Negros Occidental.
Sa panahon din ng workshop, ang mga kinatawan mula sa kinauukulang regional line agencies at ang provincial task force ay gumawa ng integrated at multi-pronged plan na magbibigay-daan sa lalawigan na epektibong maipatupad ang Transformation Program.
Ang Negros Occidental ay kabilang sa mga tinukoy na priority areas para sa pagpatutupad ng Transformation Program sa Western Visayas.
Nangko naman si OPAPRU Undersecretary Wilben Mayor na mapanatili ang kapayapaan sa probinsya lalo’t may nakikitang development dito.
Subalit sa kabila ng mga tagumpay na ito, ani Mayor, hindi pa rin dapat maging kampante kaya mahalaga ang pagkakaroon ng workshop.
Nilalayon ng Transformation Program planning workshop na tugunan ang mga pangangailangan ng mga dating rebelde, kanilang mga pamilya at komunidad upang tulungan sila sa kanilang pagbabago.
Layon din ng programa na maipag-iibayo pa ang kontribusyon at pagsisikap laban sa communist insurgency.