HINILING ngayon ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na tumulong sa gobyerno at huwag nang magpasaway sa ibang bansa.
Sa kaniyang social media post, partikular na tinukoy ni Arnell Ignacio ang mga OFW na sadyang isinasangkot ang sarili sa mga kalokohan sa bansang pinagtatrabahuan.
Tulad na lamang aniya ang ilan na nagpapanggap na prostitute na ipinakita pa sa TikTok, mga nako-crosscountry, at iba pa na kapag napahamak na ay humihingi na ng tulong sa pamahalaan sa pamamagitan ng media pero hindi naman aniya sinasabi ang kalokohang ginagawa.
Paalala ni Ignacio sa mga OFW, sila ang mistulang ambasador ng Pilipinas sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuan kaya dapat nilang ipakita ang mabuting pag-uugali ng mga Pilipino.
Giit pa ng opisyal, nadadamay pa ang mga matitinong OFW at nasisisi pa ang gobyerno sa mga kalokohang ginagawa ng iba.
Dahil dito, ipinunto ni Ignacio na kung magpapasaway lang ang mga ito ay mas mainam na ‘wag nang mag-abroad o magtrabaho sa ibang bansa.