P1.5-M halaga ng smuggled fishery products, nasabat ng DA sa Navotas

P1.5-M halaga ng smuggled fishery products, nasabat ng DA sa Navotas

KINUMPISKA ng Inspectorate and Enforcement Office ng Department of Agriculture (DA) ang mga fishery product na nagkakahalaga ng P1.5-M sa isang cold storage sa Navotas City kamakailan.

Sa pinagsanib puwersa ng DA, PNP-CIDG at Philippine Coast Guard sinalakay ng mga awtoridad ang Icy Point Cold Storage Processing Corporation.

Ito ay ilang araw matapos ang isang test-buy operation na isinagawa noong May 24.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary James Layug, nakabili ang DA ng isang box ng 10 kilograms na isdang Pompano sa halagang P2,400.

Sa tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nakumpirmang walang certificate of necessity o sanitary and phytosanitary import clearance ang naturang mga produkto.

“The seized commodities lack the necessary clearances from the appropriate Food Safety Regulatory Agency (FSRA). Food safety remains to be one of the DA’s major concerns, and selling fishery products in the market could endanger public health,” ayon kay Asec. James Layug, Inspectorate and Enforcement Office, DA.

Halos 600 na kahon-kahon ng mga smuggled fishery products tulad ng galunggong, pompano, salmon at iba pang frozen products ang nakumpiska.

Pagbibigay-diin ni Asec. Layug, sisiguraduhin ng ahensiya na ipasasara ang nabanggit na cold storage facility at papanagutin ang may-ari.

Habang 3 tauhan mula sa naturang pasilidad ang arestado dahil sa pagbebenta ng smuggled na produkto na labag sa Republic Act 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act.”

 “It is clear that they violated the Anti-Agricultural Smuggling Act (R.A. 10845), Food Safety Act of 2013 (R.A. 10611), and BFAR FAO 195,” dagdag ni Layug.

Ang hakbang na ginawa ng ahensiya ay alinsunod na rin sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na palakasin ang kampanya kontra smuggling upang matiyak ang food safety at food security ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter