NANINIWALA si Senador Cynthia Villar na imposibleng maibaba sa P20 per kilo ang presyo ng bigas sa bansa.
Sa isang interview sa Senado nang tinanong ang mambabatas na siyang chairman ng Senate Committee on Agriculture kung kaya bang ibaba sa P20 per kilo ang itinuturing na staple food ng mga Pilipino ay sinabi nitong “negative.”
Ipinunto ni Villar na nasa P11.50 per kilo and presyo ng palay dodoble naman ang presyo sa paggiling upang maging bigas.
Hindi pa kasama rito ang gastos sa transportasyon at kita ng mga magsasaka.
Para kay Senator Villar, P30+ per kilo ang ideal na presyo.
“Kasi ang cost natin 11.50 to convert it into rice, times two. So, 11.50, 23 nalang rice lang. Paano ‘yung pag-transport, ‘yung kita ng farmers and all that. So, siguro reasonable 30 plus,” pahayag ni Senador Villar.
Matatandaan noong buwan ng Mayo ay sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na target ng pamahalaan na ibaba sa P20 per kilo ang presyo ng bigas.
Kaugnay naman sa nakaambang food crisis ay sinabi ni Villar na sa halip na palay ay sana ikonsidera din ng pamahalaan at mga magsasaka ang pagtatanim ng gulay.
Ibinahagi rin ng senadora na sa kanyang farm school, ang Villar Sipag, ay mas malaki ang kanilang kita sa gulay.
“Katulad ng vegetable. In my experience sa aking farm school, ang nagdadala talaga ng farm school ko in terms of income, vegetable. ‘Yan ang maganda sa vegetable ‘pag marami tayong vegetable kahit na wala na tayo ibang kakainin pwede na rin puro vegetable healthy pa ‘di ba? But as I see it sa Philippines hindi nila masyadong ini-emphasize ang vegetables ang emphasis ang rice ‘di ba?” ayon pa ng senadora.
Sa kabila nito ay umaasa si Senator Villar na sana ay magiging competitive ang Pilipinas sa rice production tulad ng Vietnam kung saan nasa ₱6 kada kilo ang kanilang presyo ng bigas.